Women’s Month ipinagdiriwang ng PPO na may babaeng conductor

Dr. Beverly Shangkuan-Cheng

Sa pagdiriwang ng Women’s Month, ang Philippine Philharmonic Orchestra (PPO) ay magtatanghal sa ilalim ng baton ni Dr. Beverly Shangkuan-Cheng na gaganapin sa Marso 17, 2023, Biyernes, ika-8 ng gabi sa CCP sa The Metropolitan Theater.

Sa ikapitong installment ng ika-38 season ng konsiyerto, tampok sa programa ang mga piyesa ng mga babaeng kompositor tulad ng Pyagsawitan “Wedding and Harvest” ni Marie Jocelyn Marfil, “Festival” ni Lucrecia R. Kasilag mula sa Philippines Scenes, at The Light of Extreme Darkness ni Denise Santos.

Itatanghal din ng PPO ang Serenade to Music ni Ralph Vaughan Williams, na sinamahan ng 16-voice choir, at Symphony Number 7 ni Ludwig van Beethoven sa A Major, Op. 92.

Dr. Beverly Shangkuan-Cheng

Ang panauhing conductor na si Dr. Shangkuan-Cheng ay ang kasalukuyang presidente ng Philippine Choral Directors Association, at ang artistikong direktor ng Las Piñas International Bamboo Organ Festival. Siya ay isang associate professor sa University of the Philippines College of Music, nagtuturo ng conducting para sa graduate at undergraduate na mga estudyante ng musika. Siya ay kasalukuyang kinatawan ng Pilipinas sa Asia Pacific Choral Council at sa Asia Choral Association.

Nakakuha si Dr. Shangkuan-Cheng ng maraming mga parangal kabilang ang Phyllis Curtin Career Entry Award mula sa Yale School of Music, ang Margot Fassler Award at ang Hugh Giles Prize mula sa Yale Institute of Sacred Music para sa kanyang pagsasagawa, unang premyo sa American Choral Directors Association (ACDA) National Graduate Conducting Competition. Lumahok siya bilang isang fellow sa Levi Barbour Fellowship mula sa University of Michigan.

Ang mga tiket para sa konsiyerto ay nagkakahalagang P1,500, P1,200, P800, at P500. Para sa mga tiket at katanungan, tumawag sa CCP Box Office 8832-3704 o mag-email sa customercare@culturalcenter.gov.ph. Magsadya sa website ng CCP (www.culturalcenter.gov.ph). Sundan ang mga opisyal na CCP social media account sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok para sa mga pinakabagong update.