WHO: Global health emergency sa COVID-19 tapos na

Sa mahigit tatlong taong krisis pangkalusugan na idinulot, tinanggal na ng World Health Organization (WHO) ang pandaigdigang emergency phase para sa COVID-19 nitong Biyernes.

Sa anunsyo, nasa mga indibidwal na bansa na ngayon ang patuloy na pamamahala sa sakit sa paraang iniisip na pinakamahusay.

Buhat noong Enero 30, 2020 ang COVID-19 ay ipinuwesto bilang “public health emergency of international concern”.

“It is therefore with great hope that I declare COVID-19 over as a global health emergency,” ani WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus.

Kaunay nito, nilinaw ng opisyal na ang usapin ay tungkol lamang sa emergency situation pero nananatiling malubha ang banta ng COVID-19 at hindi pa tapos ang laban dito.

Magmula nang unang dagok ng naturang virus, kumitil ito sa buhay ng mahigit sa 6.9 milyong katao. Gayunman, ang tunay na bilang ayon kay Dr. Ghebreyesus ay “malamang” na mas malapit sa 20 milyong pagkamatay, na halos tatlong beses ang opisyal na pagtatantya.

Sa datos naging public health emergency ang virus nang umakyat sa 100,000 ang patay kada linggo noong Enero 2021. Sa tulong ng pagbabakuna at iba pang paraan, bumaba ang bilang ng namamatay sa mahigit 3,500 noong Abril 24 ng taong kasalukuyan.