US-PH bilateral defense guidelines tinututulan, isyu ihaharap sa Kongreso

Sa binuong bilateral defense guidelines sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos hinggil sa isyu ng pinag-aagawang West Philippine Sea (WPS), nangangamba ang ibang grupo sa maaaring epekto nito sa bansa.

Nasa dokumento ang muling pagkumpira ng dalawang bansa sa patuloy na kaugnayan sa Mutual Defense Treaty (MDT) sa pagtugon sa kasalukuyan at umuusbong na mga banta sa nasabing isyu.

Sa guidelines, ito ay may kinalaman din sa iba pang mga kasunduan kabilang ang 1998 Visiting Forces Agreement, 2014 Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA, at 2017 Mutual Logistics Support Agreement, bukod sa iba pa.

Sa isinagawang forum itong Mayo 4 na sumentro sa isyu, dumalo rito sina ACT Teachers Party List Rep. France Castro, International League of People’s Struggle General Secretary at dating mambabatas na si Liza Maza, University of the Philippines Professor Roland Simbulan at tagapagsalita ng Fisherfolk Group PAMALAKAYA na si Ronnel Arambulo.

Sa isinagawang forum hinggil sa US-Philippine bilateral defense guidelines at Enhanced Defense Cooperation Agreement, naging panelists sina (mula sa kaliwa) International League of People’s Struggle General Secretary at dating mambabatas na si Liza Maza, tagapagsalita ng Fisherfolk Group PAMALAKAYA na si Ronnel Arambulo, ACT Teachers Party List Rep. France Castro, at University of the Philippines Professor Roland Simbulan. Ang forum kung saan naging moderator si Wilson Lee Flores (dulong kanan) ay ginanap sa Quezon City nitong Mayo 4. (Kuha ng Bilibb)

“‘Yung mutual defense treaty ang malinaw doon, kung mayroong armed attack. Pero dito, puwede na rin sila makialam in terms of information sharing at saka ‘yung mga planning kung mayroon lang threats ng armed attack at indications na may threat,” ani Maza.

Salungat din ang naging tugon ni Castro sa nakasaad sa dokumento.

“Any attack in the South China Sea, whether attack sa coast guard, any attack ay pwedeng makialam ang US. Sa pagba-budget ng ating defense ay pakikialaman din ng US. Pakikialaman ng US ang pagbili ng armas ng Pilipinas within 5 years,” giit ni Castro.

“Ang usaping ito ay hindi lamang may kinalaman sa ating kabuhayan. May kinalaman ito sa ating soberanya at ang ating independence. Whether we like or it or not, madadamay talaga tayo sa giyerang namumuo between US and China. At ginagamit ng US ang pagiging dependent ng ating defense o military,” dagdag pa niya. “Ginagamit din ng US ang pagiging tuta ni Marcos Jr. para samantalahin at ipatupad ang mga hindi pantay na kasunduan na alam naman natin to the advantage of the US. Sa bahagi ng Makabayan, sisingilin natin si Pangulong Marcos Jr. sa ginawa niyang pagbisita sa US. Titiyakin natin na magpa-file tayo ng House resolution para imbestigahan, busisiin itong nangyaring bilateral security guidelines. Titingnan natin talaga ang magiging epekto. Ipu-push natin na maimbitahan siya sa Kongreso.”

Pangamba rin ang naging pahayag ni Arambulo kaugnay sa girian sa WPS partikular sa mga mangingisdang Pinoy sa kanilang kabuhayan na may kinalaman sa pagkakaroon ng EDCA sites sa bansa.

“Ito ay magiging dahilan para sa probokasyon ng China na puwedeng maipit kaming mangingisda. At lalong mang-harass ang Chinese government, partikular sa West Philippine Sea. ‘Yun ang aming ikinababahala,” ani Arambulo. “Mahalaga ang usaping ito para sa isyu ng EDCA at Balikatan Exercise. Ang ating hamon kay Ginoong Bongbong Marcos ay dapat itaguyod ang ating soberanya at kumawala sa isyu ng China at Estados Unidos.”

Mainit din ang naging tugon ni Prof. Simbulan sa isyu at naniniwalang estraterhiya lamang ng Estados Unidos ang mga ito para sa pansariling interes.

“Dahil dito sa recent na kasunduan na pinasok ni Marcos Jr., the Philippines is once again in direct line of fire of the US war machine. Kaya itong mga gagawing panghihimasok, pakikiaalam at pakikidigma ng US sa iba’t ibang bansa na siyang tract record niya sa maraming dekada pati tayo ay directly mata-target o mapapahamak dahil gagamitin ang teritoryo natin bilang springboard at launching pad nitong maraming military operations ng Estados Unidos.”