
Opisyal nang nakipag-sanib-puwersa ang Global Fusion Media (GFM), isang media agency, sa United Network of Global Citizens (UNGC) upang paigtingin ang pagpapalaganap ng mga inisyatibong nagsusulong ng pambansang kaunlaran, pangkalahatang pagbabago, at responsableng pamumuno sa mundo.
Layunin ng strategic partnership na ito na itaguyod ang mga United Nations Sustainable Development Goals, kasabay ng pagpapalakas sa Inner Development Goals na nagbibigay-diin sa ethical responsibility, at personal na kakayahan ng mga mamamayan sa pagharap sa mga pandaigdigang hamon.
Gagamitin ng GFM ang communication channel nito upang magbigay ng komprehensibong saklaw sa mga pangunahing programa. Kabilang dito ang pagtatampok sa mga tanyag na kaganapan tulad ng Global Citizens Day, World Changers Summit, at iba pang sektoral na dayalogo na naglalayong linangin ang edukasyon, kabuhayan, at pag-unlad ng komunidad.
Pormal na pinagtibay ang nasabing alyansa kasabay ng opisyal na paglulunsad ng Pinoy World TV at pagdiriwang ng ika-81 United Nations Day na ginanap noong Oktubre 23, 2026 sa Lungsod ng Pasig.
Samantala, ginawaran ng UNGC ang ilang mga mamahayag sa nasabing event.
Ilang media ginawaran ng akreditasyon ng UNGC
Pormal na ginawaran ng akreditasyon at pagkilala ng United Network of Global Citizens (UNGC) ang ilang miyembro ng media sa isang seremonya noong Oktubre 23. Kasabay ng naturang pagtitipon ang pagdiriwang ng ika-81 anibersaryo ng United Nations (UN) at ng Global Media and Information Literacy Week.
Kabilang sa mga pinarangalan ng UN Global Media Partners accreditation si Ann Esternon na kumakatawan sa Bilibb. Ipinagkaloob ang pagkilalang ito bilang pagpupugay sa kaniyang dedikasyon sa pagtataguyod ng katotohanan, kapayapaan, karapatang pantao, at direktang pag-align sa Sustainable Development Goals (SDGs) at Inner Development Goals ng UN.
Bilang katuwang sa pagpapalaganap ng mga kuwento at pag-iimbentaryo ng balita ng UNGC, nananatiling matatag ang UN Global Media sa pagtataguyod ng etikal na pamamahayag at pagpapalakas sa mga boses na mapagkakatiwalaan. Layunin ng kapisanan na palawakin ang maayos na diyalogo sa buong mundo sa pamamagitan ng mga paksang nag-aangat sa sangkatauhan at tumutulong sa pagbuo ng isang napapanatiling kinabukasan para sa lahat.
Tampok din sa nasabing kaganapan ang mga talakayan ng mga dalubhasa at ang paglagda sa mga estratehikong Memorandum of Agreement na nagbibigay-diin sa mahalagang papel ng responsableng media sa paggabay sa lipunan. Ipinahayag ng mga pangunahing pinuno at panauhing tagapagsalita na ang makabagong pamamahayag ay dapat lumampas sa karaniwang pag-uulat lamang—kailangan nitong magbigay ng sapat na konteksto, lalim, at etikal na pananaw sa mga kuwentong direktang nagpababago sa pamayanan sa lokal at pandaigdigang antas.
Sa pagpapatuloy ng layuning ito, magtutulungan ang mga pormal na akreditadong media partner sa mga susunod na proyekto at pandaigdigang inisyatiba sa pagsasalaysay. Nakatuon ang mga proyektong ito sa pagtatampok ng mga makabagong gawaing pampamayanan, palitang pangkultura, at adbokasiya para sa karapatang pantao upang masiguro na ang pampublikong pamamahayag ay manatiling tulay sa positibong pagbabago sa mundo.
(Para sa iba pang mga larawan, tingnan dito)
