Umpisa na ng tag-init!

Sa isang press conference, inanunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na tapos na ang amihan o ang northwest monsoon at opisyal nang panahon ng tag-init ngayong Biyernes, Marso 22.

Ang mainit na panahon ay mas kilala ng karamihan bilang “summer” ngunit batay sa PAGASA, dalawa lamang ang panahong umiiral sa bansa: rainy and dry (o wet at dry) season. Samantala, mayroong dalawang kategorya sa dry season: warm at cool. Ang warm and dry season ay karaniwang nagtatapos hanggang Mayo.

Maaari ring tumindi pa ang init dahil na rin sa epekto ng El Niño.

Ayon pa sa weather bureau, ang init partikular sa Cagayan Valley ngayong Marso hanggang Mayo ay maaaring umakyat sa 40ºC.

Ang heat index naman, ay posible ring pumalo sa kategoryang “danger” at “extreme danger.”

“Sa mga susunod na mga araw ay tataas ang temperatura. Kung sasabay ang mataas na alinsangan o relative humidity, tataas ang heat index, at may kaakibat ito na hazard o panganib sa ating health. Maiiwasan lamang ito kung susundin natin ‘yung mga suggested interventions. Palaging uminom ng tubig, magdala ng payong, at magsuot ng manipis na damit,” ayon kay PAGASA Administrator Nathaniel Servando.

 

Ano ang heat index?

Pamilyar kayo sa heat index na sinasabi sa mga balita tungkol sa klima? Upang masuri kung gaano kainit ang pakiramdam sa iyo at sa iyong katawan, isinasaalang-alang ng heat index ang humidity bilang karagdagan sa temperatura ng kapaligiran. Kung mataas ang humidity, maaaring hindi agad maubos ang iyong pawis at mas mahirap kang magpalamig. Dapat kang maging concern sa pag-iwas kung ang heat index ay mas mataas sa 91°F (32.8°C).