Turon at maruya ng Pinas kinilala ng Taste Atlas

Turon ang isa sa mga paboritong meryenda ng mga Pinoy na kinikilala rin ng ibang mga bansa dahil tunay namang katakam-takam ito mula sa amoy at hitsura.

Sa pinakabagong pagkilalang nakamit ng ating turon kasama ng maruya ay napasama tayo sa hanay ng “50 Best Deep-Fried Desserts in the World” ng international food database na Taste Atlas.

Pumuwesto sa ika-21 ang turon habang nasa ika-36 naman ang maruya sa nasabing talaan – karangalang nakakapagpabusog sa atin.

Ang Instagram post na “50 Best Deep-Fried Desserts in the World” ng international food database na Taste Atlas kung saan nakapasok ang turon at maruya ng Pilipinas sa kanilang talaan.

Kuwentong turon

Ang turon ay hinati-hating pahabang hinog na saging saba, binudburan ng pulang asukal at ibinabalot sa lumpia wrapper saka ipiprito hanggang sa lumutong at maging golden brown ito.

Street food at finger food ding matatawag ang turon na karaniwang patok sa marami. Deep-fried banana spring rolls ito kung tawagin sa Ingles. Sosyal pero para sa lahat ang sarap na hatid nito.

Ang turon ng Pilipinas ay katulad ng pisang goreng ng Indonesia na isa ring deep-fried na panghimagas.

Simpleng meryenda man kung tawagin, masarap ding malaman kung ano ang kasaysayan ng turon.

Ang pagdiskubre sa pagluluto ng turon ay sa pagdating ng mga Instik sa bansa bago pa tayo masakop ng mga Kastila noong unang panahon.

May nagsasabing ang turon ay kawangis ng mga pagkain ng mga Intsik na binabalot. Nagsimula rin umano ito sa komunidad kung saan may taniman ng mga saging saba. Sa mga sobrang saging ay naisipan noon ng mga magsasaka na ito ay lutuin sa makabagong paraan at malayo sa kinagisnang paglalaga lamang nito.

Sa maimbensyong pagluluto sa pag-usad ng panahon, ang turon ay nagkaroon ng iba’t ibang bersyon. Bago pa balutin, sa loob nito ay may lahok na nilalagay tulad ng langka, mangga, kamote, buko, keso at iba pa. Sa mismong balot naman nito ay binubudburan ng sesame seeds. Isinasabay din sa isang presentasyon ng turon ang paglalagay ng ice cream.

Turon sa iba’t ibang diyalekto

Ang turon sa iba’t ibang diyalekto sa Pilipinas ay nakatutuwa ring pakinggan.

Sa Batangas ang tawag nila sa turon ay “sagimis”, ganyan din sa lalawigan ng Quezon.

Maruya

MARUYA: PRITONG SAGING

Popular ding meryenda ang maruya. Ito rin ay hinati-hating mga saging saba at hahaluan ng malapot na harina at pinipritong lubog sa mantika.

Maruya sa iba’t ibang diyalekto

Ang maruya ay tinatawag sa Visayas na “kumbo” o “pinaypay” dahil pinoporma nila ang pagluto nito na tulad sa pamaypay. Sa pagkain nito ay maaaring samahan din ng sorbetero.

Sa Bicol, “sinapot” o “baduya” naman ang tawag nila sa maruya. Baduya rin ang tawag dito ng mga Ilocano.

May ganito rin ang mga Muslim, ngunit ang bersyon nila ay latundan na saging na dinudurog saka hahaluan ng harina at ipiprito. Ang tawag nila rito ay “jampok”.