Tropical Hut tumanggap ng Ridiculously Viral Award

Isa sa patuloy na minamahal na fast-food chains sa bansa ang Tropical Hut Hamburger.

Ilang araw bago magtapos ang Nobyembre ay binigyang parangal ng ride-hailing firm na Grab ang naturang fast-food chain.

Sa social media post ng Tropical Hut ay ibinalita nila ang achievement na ito, “We got an award! Tropical Hut received the Ridiculously Viral Award at the Golden Grab Awards 2022… A huge thank you to all our supporters for all the love we received this year!”

Proud and Tropical Hut Hamburger na ibinalita nila sa kanilang Facebook page ang karangalang natanggap nila sa Golden Grab Awards 2022.

Apat ang mga kategorya ng parangal ng Grab at ito ay ang Merchant Congeniality, Cities of Tomorrow, Sales Superstars, at Golden Awards. Ang Golden Awards category ay inaalay para sa “most viral GrabFood merchant in social media” kung saan ito ang natanggap ng Tropical Hut.

Bakit naging viral ang Tropical Hut?

Sa simpleng tweeted photo ni JP Tanyag (@dumidyeypee elsewhere) noong June 12, 2022 na may mensaheng “Tropical Hut in Escolta, ako lang ang customer nila.” ay umani ito ng ng mahigit 35,000 likes; 3,768 retweets; at 3,713 Quote Tweets. Ito ay sa pagpunta ni JP sa Escolta branch ng fast-food chain sa Maynila.

Ang simpleng tweet ni JP Tanyag noong June 12, 2022 na naging daan para makatanggap ang Tropical Hut Hamburger ng pagkilalang Ridiculously Viral Award sa Golden Grab Awards 2022.

Naantig ang netizens at hindi natapos sa reply, like at retweet ang kanilang reactions sa tweet na iyon ni JP at sa halip ay nagtungo sa iba’t ibang Tropical Hut branches. Ito rin ang ikinagulat ng marami kung bakit napakahaba ng pila ng customers sa fast-food chain at maraming natanggap na orders ang Grab.

Sa panahong na ‘yon ay mas marami ang negosyong nahihirapang mag-operate dahil sa pandemya. Ito ang nagtulak sa netizens na magbigay suporta sa mga negosyong kailangang magpatuloy para sa ekonomiya tulad ng Tropical Hut.

Kasaysayan ng Tropical Hut Hamburger

Tulad ng ibang negosyong nagsisimula pa lamang, ang Tropical Hut ay payak din noong una bago pa nakilala.

Base sa leading online employment marketplaces sa Asya na Jobstreet.com, ang Tropical Hut Food Market, Inc. (THFMI) ay nagsimula sa kanilang negosyo bilang sari-sari store. Naging mabilis ang matagumpay nito na naging grocery store at agad din naging supermarket noong 1962.

Sa taong ding ito nakilala ang pagkakaroon ng coffee shop sa loob ng supermarket na tinawag na Tropical Hut Hamburger. Ang naturang kumpanya ay naging incorporated noong February 26, 1965.

Noong 1972 ay nabili ito ng Mercury Group of Companies, Inc. na itinatag ni Mariano Que. Dito nila ipinakilala ang pagkakaroon ng botika sa loob ng supermarket. Sa ngayon, hindi na nakapagtataka kung bakit may mga Tropical Hut na kadikit ng Mercury Drug.

Hanggang ngayon ay dala pa rin nila ang kalidad ng kanilang mga pagkain at serbisyo kaya tuloy din sila sa kanilang hashtag na #SarapNaBabalikbalikan.

Bakit may Golden Grab Awards?

Noong 2021, pinasimulan ng ride-hailing firm na Grab ang kanilang Golden Grab Awards bilang pagkilala sa mga negosyong natatangi at partner nila sa bansa.

“This is where the most deserving merchant-partners will be bestowed with the prestigious Grab accolades. From GrabFood to GrabMart, every merchant has an equal chance to grab hold of an award from the different categories with distinct criteria of its own – having the most number of orders, being the top favorite, making record-breaking sales, having the most creative and mouth-watering menu, and so much more,” ayon sa Grab.