Nationwide transport strike ng Manibela, kasado na

Inanunsyo noong Martes ng transport group na Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers Para sa Karapatan sa Paggawa (Manibela) na magkakaroon sila ng nationwide strike mula Nobyembre 22 hanggang 24.

Ayon kay Manibela chairman Mar Valbuena, ang aksyong ito ay tugon ng grupo upang tutulan ang anila’y jeeney phaseout o ang nakatakdang December 31 deadline para sa consolidation kaugnay sa public vehicle modernization program.

Ipinahayag din ni Valbuena sa isang press conference na kung hindi mapapalawig ang deadline, magiging colorum sila sa Enero 1, 2024. Sinabi nito na mas malaking transport strike ang nakaamba.

“Kung hindi maie-extend, sa January 1 colorum na kami. Siguradong mas malawak, mas matinding transport strike ang sasalubong sa bagong taon. Sinisigurado ko iyan,” ani Valbuena.

Dagdag pa ni Valbuena na may mga miyembro na ng kanilang grupo na sumali na rin sa strike na sinimulan ng PISTON, isa pang transport group.

Sa kasadong Manibela transport strike, hindi anila pinupuwersa na makilahok ang lahat ng kanilang miyembro para rito.