Tips para sa healthy skin

Kahit sa gitna ng krisis hindi dapat maubusan ng rason para maging maganda ang kutis.

Hindi kailangang gumastos nang malaki para rito. Dapat ay mag-invest din tayo sa  ating balat dahil parte iyan ng maayos na kalusugan. Kung tututuusin kapag hindi natin naalagaan ang ating sarili at walang maayos na hygiene ay mas mapapagastos tayo lalo na kung may mga skin breakout.

Ang isa sa mga senyales na mayroon tayong healthy skin ay ang pagkakaroon ng natural glow. Siyempre ang mga nakasisira rito ay ang kakulangan sa tulog, nutrisyon sa mga kinakain, uri ng kinakain, stress at iba pa.

Para sa healthy skin, sundin ang mga sumusunod:

Maglinis nang regular. Maging routine ang paglilinis ng kutis. Ito ang essential first step para matanggal ang mga dumi, oil, pollution particles at iba pang impurities – sa mukha man ito o katawan. Ang mga iyan kasi ang nakababara rin sa pores para masira ang kutis. Piliin ang face o body cleanser na akma sa inyong skin condition. Sa pag-apply ng skin product ay banayad na masahihin ang mukha at katawan gamit ang finger tips in circular motions.

Mag-exfoliate. May mga mura pero effective na exfoliant sa merkado para sa pagpapaganda ng balat. Gawin ito dalawa hanggang tatlong beses sa loob ng isang linggo o depende sa product instruction o sa payo ng inyong dermatologist. Makatutulong ito para mapalitan ang old, dull skin.

Mag-apply ng brightening skincare product. Sa paggamit ng topical skincare treatment tulad ng serum at moisturizers, hanapin sa pakete ang “brightening” at “skin tone-evening,” at ingredients na vitamin C. Ang vitamin C kasi ay isang antioxidant na nagpapa-bright ng balat sa pamamagitan ng pag-block ng enzyme na nagpo-produce ng pigment.

Samantala ang niacinamide (vitamin B3) ay nagpapabagal ng pigment production para maging light ang dark spots.

Ang regular na paglalagay nito ay nakaka-bright ng complexion kalaunan.

Mag-hydrate. Kapag kulang sa tubig ang katawan nagiging dull ang skin at mas pansin ang wrinkles. Maliban sa pag-inom ng tubig, magpahid din ng topical moisturizer sa umaga at gabi to replenish hydration sa balat.

Kumain ng masusustansyang pagkain. Ang pagkain ng masustansyang pagkain ay may epekto sa balat at ito ay nagpapa-glow. Mainam na piliin ang mga pagkaing mataas sa antioxidant tulad ng grapes, berries at nuts gaya ng pecans at walnuts na mayaman sa polyphenols tulad ng ellagic acid at resveratrol. Ang mga antioxidant na ito ay panlaban sa free radicals para maalagaan ang skin cells mula sa UV damage gaya ng hyperpigmentation.