Tigil-pasada sa Marso 6-12 idineklara ng transport groups

May pinaplanong isang linggong tigil-pasada ang hanay ng ilang operators ng mga jeepney at utility vehicle (UV) express sa Metro Manila sa Marso 6 hanggang Marso 12.

Ang aktibidad ay bunsod ng pagtutol ng grupo sa deklarasyon sa last trip ng mga tradisyunal na jeep, UV express at multicabs matapos ang Hunyo 30 kapag hindi sumailalim ang mga operator at driver sa kooperatiba na Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program. Ito ay sa pag-uutos kamakailan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Ang grupong nagpaplano ng tigil-pasada ay ang Alliance of Concerned Transport Organizations, Manibela at Piston kung saan aabutin sa 40,000 units ang mapapabilang dito.

Inaayawan ng grupo ang programa dahil masyadong mahal para sa kanila ang gagastusin para rito gaya halimbawa ng isang modernong jeep ay nagkakahalagang P2.4 hanggang P2.6 milyon.