Tayo na sa Tarlac, ang Belen Capital ng Pilipinas

Ang makulay at mapang-akit na higanteng belen bilang bahagi ng pagdiriwang ng 17th Belenisimo sa Tarlac. (Kuha ni Teddy Pelaez)

Maraming festival sa Pilipinas. Bawat bayan ay may pagdiriwang sa kanilang kapistahan. Kakaiba ang Tarlac. Naglalakihang Belen ang kanilang itinatampok tuwing buwan ng Disyembre. Ang belen, simple man o engrande, ay nananatiling isang natatanging simbolo ng Pasko ng mga Pilipino – isang simbolo na nagpapaalala sa atin kung bakit natin ipinagdiriwang ang Pasko.

Ang Tarlac, na kilala bilang “Belen Capital of the Philippines,” ay taun-taon nagdaraos ng “Belenismo sa Tarlac,” isang patimpalak sa paggawa ng belen na sinasalihan ng mga residente at establisyimento sa Tarlac. Iba’t ibang tema ng higanteng belen ang maipagmamalaking ipinapakita sa harap ng mga bahay, gusali, at kalsada ng Tarlac tuwing Kapaskuhan.

Isa lamang ito sa 62 giganteng belen na bahagi ng kapistahang 17th Belenisimo sa Tarlac. (Kuha ni Teddy Pelaez)

Ika-17 Belenismo sa Tarlac

Animnapu’t dalawang higanteng belen ang ipinamalas sa opisyal na pagbubukas ng ika-17 Belenismo sa Tarlac, ang tinaguriang Belen Capital ng Pilipinas. Ang makukulay at malikhaing mga belen na nagtatampok kina Jose, Maria, at Hesus ay gawa mula sa mga recycled at katutubong materyales.

Ang pagbisita nina Czech Republic Ambassador to the Philippines Karel Hejčova at Norwegian Ambassador to the Philippines Christian Lyster (dulong kaliwa) habang ginaganap ay pasinaya sa 17th Belenisimo sa Tarlac. (Kuha ni Teddy Pelaez)Ang Belenismo, na kilala bilang sining ng paggawa ng belen, ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng relihiyon at mayamang kultura ng probinsya. Ayon kay Isa Cojuangco-Suntay, isa sa mga nag-organisa ng Belenismo at co-founder ng Tarlac Heritage Foundation, “Ang Pilipinas ay isang bansang mayorya ay Katoliko. Ang Belenismo naman po ay hindi namin nililimitahan sa mga Katoliko, we welcome all faiths who want to join. Pagharap po natin sa belen, alalahanin po natin na Jesus came for all of us.”

Ang ipinagmamalaking uri ng belen sa ginanap na Belenisimo sa Tarlac. (Kuha ni Teddy Pelaez)

Ang temang “Offering Basket in the Altar” ngayong taon ay nagpapahiwatig ng tunay na diwa ng Pasko: ang pagsilang ni Hesukristo. “Minsan nakakalimutan natin ‘yung tunay na mensahe ng Pasko, which is the birth of Jesus Christ,” sabi ni JM Modomo, isa sa mga designer ng belen at tourism and budget officer sa San Clemente, Tarlac. “‘Yun ‘yung hinahatid na mensahe ng belen sa ‘ting lahat, offering basket in the altar. Si Jesus Christ kasi is the greatest offering of all time,” dagdag pa niya.

Isang uri pa ng makulay na belen sa isinagawang pagpapasinaya sa 17th Belenisimo sa Tarlac. (Kuha ni Teddy Pelaez)

Bukod sa kategoryang munisipal, kabilang din sa Belenismo 2024 ang mga paaralan, negosyo, simbahan, at mga pribadong komunidad.

Ang mga bisita na nagtungo sa Moncada para saksihan ang 17th Belenisimo sa Tarlac. (Kuha ni Teddy Pelaez)

 

Ang “Holy Land” ng 17th Belenisimo sa Tarlac. (Kuha ni Teddy Pelaez)