Tandem startup: Jeaox Breeding Farm, Mr. Moo’s tulong sa agribusiness

Ang mga baka habang kumakain ng corn silage sa Jeaox Breeding Farm sa Brgy. Namnama sa City of Ilagan sa Isabela. (Kuha ni Ann Esternon)

Malaki ang oportunidad ng pag-aagrikultura sa Cagayan Valley o Region 2 kung saan bahagi ang Isabela. Kaya naman damay din sa oportunidad na ito ang City of Ilagan na kabisera ng lalawigan.

Ito ang nasaksihan ng media group nang magtungo kami sa Jeaox Breeding Farm na nasa Brgy. Namnama noong unang bahagi ng Mayo. Dagdag kabuhayan ito ng City of Ilagan para sa pagpapatibay ng kanilang agribusiness bilang bahagi ng “Livable City by 2030” ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Josemarie Diaz.

Sa pagsisimula ng farm noong 2021 ay nakasentro ito sa cattle fattening o fattening cow at noong 2023 ay nagsimula na ang dairy production nito.

Ang farm ay may laking higit sa 20 ektarya na may mga bakang umaabot sa 1,000 at 200 sa mga ito ay milking cows.

Kasama sa complex ang planta, para sa pagpoproseso sa produksyon ng gatas.

Nasa 70 empleyado ang naririto – 40 sa cattle farm at 30 sa dairy production.

Ang planta ng Mr. Moo’s Dairy Products Incorporated na nasa loob ng Jeaox Breeding Farm sa Brgy. Namnama sa City of Ilagan sa Isabela. (Kuha ni Ann Esternon)

 

Uri ng mga baka

Ang mga uri ng baka sa Jeaox Breeding Farm ay hindi mga native.

Partikular na makikita rito ang Brahman, Jersey, at Holstein-Jersey. May crossbreed upang ma-adapt ng mga baka ang temperatura sa Pilipinas.

“Ang mga baka ay nagmula pa sa ibang mga bansa at crossbreed na rin sila rito. May tinatawag na island-born cows. Dito na sila ipinanganak kaya nakakasabay na sa klima, kapaligiran at sa mga uri ng kinakain,” ayon kay Bernadette “Bea” Bayabo, ang General Manager ng Jeaox Breeding Farm.

 

Ang mga crossbreed na baka sa Jeaox Breeding Farm sa Brgy. Namnama sa City of Ilagan sa Isabela. (Kuha ni Ann Esternon)

 

Pakain sa mga baka

Mais ang primary diet ng mga baka, na dahil nasa Corn Capital ng bansa ang farm, hindi nagiging problema ang pagkain ng mga ito. Kabilang sa kinokonsumo ng baka ay ang corn silage (burong mais mula sa mga dahon, busil o corn briquettes, at tangkay) na high-energy na pagkain.

Maliban sa mais, hinahalo rin sa pagkain ang mga damo, at ibang feeds.

Ang corn silage o burong mais na mula sa mga dahon, busil o corn briquettes, at tangkay. Ito ay pakain sa mga baka na mahalaga sa kanilang nutrisyon at produksyon ng gatas.

 

Pagpaparami ng mga baka

Nang dumating ang karamihang mga baka sa Jeaox Breeding Farm, ang mga ito ay buntis na.

Sexed-semen ang ginagamit para sa artificial insemination sa farm para maparami ang mga mga baka. Ibig sabihin, sa tuwing manganganak ang mga baka ay tiyak na babae ang mga ito.

Ang pagbubuntis ng isang baka ay siyam na buwan at karaniwang isa ang ipinanganganak. Sa tala, nakatatlong pagpapaanak na ang Jeaox Breeding Farm na kambal na baka.

Ang natural lifespan ng baka ay 15 hanggang 20 taon. Kapag ang baka ay nasa dairy o cattle farm industry, karaniwang tumatagal ito ng limang taon. Kung maganda pa ang katawan, kalusugan at nakapro-produce pa ng gatas ay maaaring umabot ito ng 10 taon.

 

Cattle Fattening

Ang fattening cow sa isang cattle farm ay tumutukoy sa mga baka na pinalalaki at pinapakain upang tumaas ang timbang at overall body condition. Ang mga baka na ito ay inaalagaan para sa mataas na kalidad na karne para sa merkado.

Sa paglilibot sa farm, naging maingat din ang media group na huwag malapitan ang mga baka, partikular ang hawakan ang kanilang ear tags.

 

Ear tags sa mga baka

Ang ear tags ay karaniwang ginagamit sa cattle farms bilang isang paraan ng pagkilala at pagma-manage sa mga ito.

Ang bawat ear tag ay may natatanging numero o code na tumutugma sa partikular na impormasyon tungkol sa hayop, tulad ng edad nito, lahi, talaan ng kalusugan, at kasaysayan ng pag-aanak.

Ang ear tags sa mga baka ng Jeaox Breeding Farm sa Brgy. Namnama sa City of Ilagan sa Isabela. (Kuha ni Ann Esternon)

 

Bukod dito, ang ear tags ay may mahalagang papel din sa kakayahang masubaybayan at pagkontrol ng sakit sa farm. Kung sakaling magkaroon ng disease outbreak o kontaminasyon, ang ear tags ay nagbibigay-daan sa mga magsasaka at awtoridad na mabilis na matunton ang mga pinanggalingan at paggalaw ng mga apektadong hayop. Daan ito upang maipatupad ang mga agarang hakbang sa pagpigil. Proteksyon ito sa kalusugan at kapakanan ng mga hayop at pinangangalagaan din ang supply chain ng pagkain at kalusugan ng publiko.

 

Koleksyon ng gatas

Sa kasalukuyan, may 200 milking cows ang Jeaox Breeding Farm.

Dalawang beses ang koleksyon ng gatas sa bawat araw – tuwing alas-kuwarto ng umaga at ala-singko ng hapon. Bawat koleksyon, karaniwang nakapro-produce ng 10,000 litro ng gatas, ayon kay Catherine Tumolva, Farm Lead ng Jeaox Farm.

Tulad ng ibang agribusiness, ang init ng panahon ay nakaaapekto rin sa produksyon ng gatas ng mga baka.

“Kapag tag-init, gaya ngayong summer, hindi sila (baka) nakapro-produce gaano ng gatas. Kaya kapag nagko-collect kami ng gatas, mas marami ang koleksyon sa umaga kaysa sa hapon,” ayon kay Tumolva.

Maliban sa init ng panahon, stressful din sa mga baka kapag maraming taong nabisita sa farm.

Ayon pa kay Tumolva, sa paglabas ng gatas mula sa inahing baka, dapat makonsumo muna ito ng kanyang anak sa loob ng dalawang linggo dahil ito ay colostrum na mas kailangan ng sanggol para sa tamang paglaki at maiwasan ang pagkakasakit.

Kapag nagatasan na ang mga inahing baka, dapat nang dalhin ang gatas sa cooling tank sa milking parlor na nasa planta. Ang planta ay hindi dapat malayo sa mismong farm para hindi masiraan ng gatas. Sa milking parlor ay naroon ang pasteurization para mapatay ang bad bacteria sa gatas sa init na 75°C.

 

Partnership ng Jeaox Farm at Mr. Moo’s

Dalawang dekada na sa merkado ang Mr. Moo’s Milk Planet Co. Nagsimula ito sa Tagaytay sa Cavite na may tatlong branches doon.

“We started a small enterprise. Tolling lang ang business ni Mr. Moo’s noon. They asked someone to processed the milk for them. Mr. Moo’s, which is owned by Juan Miguel Mercado, will purchase the milk from farmers and ask someone to process it and he will market it as Mr. Moo’s,” kuwento ni Bayabo.

Kalaunan, nang makita ni Mercado ang potensyal ng negosyo sa Region 2 sa yumayabong na agribusiness industry, sinimulan na nito ang partnership sa Jeaox Breeding Farm.

Naging madali sa Mr. Moo’s na maparami ang produksyon dahil malaking porsyento ng pagkain ng baka ay mais, na mayaman ang City of Ilagan.

 

Si Juan Miguel Mercado, may-ari ng Mr. Moo’s sa pagbubukas ng Mr. Moo’s Organic Cows Milk store sa Calamagui 2nd ng City of Ilagan sa Isabela noong Pebrero 1, 2024. (Mula sa Facebook page ni City of Ilagan Councilor Jayve Diaz)

 

Mr. Moo’s products

Mas umaasenso pa ngayon ang mga produkto ng Mr. Moo’s na sa kasalukuyan ay mayroon na itong fresh milk, yogurt, at pastillas.

Sa bawat ipinapasok na gatas sa planta ng Jeaox Breeding Farm, ang distribusyon sa magiging dairy products ay 40 litro nito ay para sa fresh milk, 40 litro sa yogurt, at 20 litro sa pastillas.

Ang kanilang fresh milk na nasa small plastic bottle ay may shelf-life na 5-10 days (refrigerated).

Maliban sa City of Ilagan, ang finish products ay sinimulan nang dalhin sa Tagaytay noong Nobyembre 2023.

Sa ngayon, nag-eeksperimento na ang Mr. Moo’s na magkaroon ng ice cream na may apat na flavors.

Ang ilan sa flavors ng Mr. Moo’s Fresh Milk (Mula sa Mr. Moo’s Facebook page)

 

Mr. Moo’s Fresh Milk flavors – Plain, Vanilla, Chocolate, Dark Choco, Melon, Strawberry, Buko Pandan, at Ube

Mr. Moo’s Yogurt flavors – Plain, Ube, Strawberry, at Mango

Mr. Moo’s Pastillas de Leche flavors – Plain, Cheese, Buko Pandan, at Ube

Ang ilan sa flavors ng Mr. Moo’s Pastillas de Leche (Mula sa Mr. Moo’s Facebook page)

 

Ang safe handling ng produkto ng Mr. Moo’s na Pastillas de Leche habang nasa loob ng isang closed room. (Kuha ni Ann Esternon)

Farm-to-school fresh milk

Ang Mr. Moo’s ay gumagawa rin ng gatas para sa mga batang estudyante ng City of Ilagan. Ito ay bilang bahagi ng milk feeding program tulad sa day-care, sa pakikipagtulungan ng Department of Education at Department of Social Welfare and Development.

Ang mga gatas na ito ay nasa aluminum foil na nagpapatagal sa shelf-life ng produkto ng anim hanggang walong buwan, hanggang isang taon.

Ang fresh milk ng Mr. Moo’s na ibinabahagi sa mga batang estudyante ng City of Ilagan. (Kuha ni Ann Esternon)