Taas-pasahe sa PUVs larga na sa Setyembre 27

Magsisimula na bukas, Setyembre 28 ang pagtaas ng pamasahe sa public utility vehicles (PUVs) kabilang ang jeepney, bus, transport network vehicle services (TNVS), point-to-point buses, maging ang airport taxis na aprubado ng Department of Transportation.

Mula sa dating pamasahe sa tradisyonal na jeepney na P13 para sa unang apat na kilometro, ito ay magiging P14 at dagdag na P2 para sa bawat susunod na kilometro.

Para naman sa mga modernong jeepney, mula sa dating pamasaheng P15 ito ay magiging P17 at karagdagang P2.40 para sa bawat susunod na kilometro.

Magtataas din ng P2 sa mga Metro Manila bus at city bus mula sa umiiral na P13 hanggang P15 para sa unang limang kilometro at karagdagang 0.24 sentimo para sa bawat susunod na kilometro.

May taas-pasahe rin sa TNVS (government-regulated, app-based private vehicles tulad ng Grab, JoyRide at iba pa) na P20 at 15 pick-up na pamasahe kada kilometro. Samakatuwid, mula sa sedan na TNVS na P45 ito ay magiging P65, AUV na ngayon ay P75 mula sa dating P55; hatchback na P55 mula sa P35, habang P165 sa premium TNVS mula sa P145.

Ang pagtaas na ito ay aprubado na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board noon pang Marso sa panahon na mataas ang presyo ng mga krudo dahil sa kaguluhan sa Gitnang Silangan. Naudlot ang pagtaas dahil pinili ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magbigay na lamang ng cash assistance para sa mga driver at operators.

Samantala, ang flag down rate ngayon sa airport taxi ay P115 na saklaw ang unang 500 metro – P40 ang itinaas mula sa dati nitong flag down rate.

Wala pang aprubadong pagtaas sa regular taxi at utility vehicle express dahil noong unang maaprubahan ang taas-pasahe ay wala pang naihaing petisyon sa dalawang platform na ito.