Subukang magkaroon ng extra income

Nasa loob pa rin tayo ng pandemya at nakararanas pa rin tayo ng kagipitan sa pera. Ito ay dahil mataas ang inflation ngayon kaya ang presyo ng mga pangunahing bilihin ay hindi rin maiwasan.

May opsyon ba tayo para kumita pa sa gitna ng pagsubok na ito?

Mga dapat ikonsidera para kumita ng ekstra

– Piliin ang negosyong hindi nalalaos o ang mga negosyong hindi gugugol ng malaking oras at pera para makapagsimula.

– Magkaroon ng sapat na puhunan sa pagsisimula ng pagkakakitaan at siguraduhing iikot ito.

– Dapat ding ikonsidera na ang negosyo ay may produkto o serbisyong kayang bilihin ng mga customer. Alalahanin na marami sa ngayon ang walang pera at sadyang todo tipid.

– Ang mga pagkain ay patok pa ring ibenta pero kailangan na mas igihan o sarapan ang paggawa nito dahil may iba ring kakumpetensya sa ganitong uri ng hanapbuhay. Maging madiskarte rin kung paano ito ibebenta gaya ng paggamit ng social media, magkaroon ng model, gandahan ang presentasyon, daanin sa promo, sales o discounts.

– Huwag ding maliitin kung nais magsimula ng mga pagkaing tulad ng pagbebenta ng fish balls, barbecue o iba’t ibang pagkaing iiihaw, mga kakanin, banana cue o camote cue at iba pa na madaling ipwesto kahit sa labas lamang ng bahay.

– Kung magbebenta ng mga ice tubig, ice, o ice candy, siguraduhing mabili ang mga ito at may iba kayong variants upang hindi masayang ang kuryenteng kinokonsumo sa paggamit ng refrigerator o freezer. Tandaan na malakas sa kuryente ang ganitong paninda dahil pabukas-bukas ang pinto ng ref at freezer. Makabubuting gumamit din ng ice box o styro box para medyo tipid. Kumuha ng sapat na dami mula sa ref o freezer saka isalin sa styro box.

– Pwede ring maging reseller ng ibang produkto, ngunit siguraduhing munang mayroong kayong pagbebentahan ng mga ito. Mas mainam kung kumuha muna kayo ng order at kapag nakaipon na ng bilang ng orders saka kumuha ng produkto sa talagang pinagkukuhanan nito.

– Magpakatotoo sa mga ibinibenta at huwag ang tipong “too good to be true”. Huwag manloko ng mga tao para lamang kumita. Tandaan na mas mahirap mabalik ang tiwala kapag nasira na ito. Kung anong produkto ang ipinakita online siguraduhing ito rin naman ang ibibigay sa mga customer.

– Maging maingat din naman sa mga customer na mga tuso lalo na ang mga pa-“mine” o kunwari ay kukuha sa paraang cash on delivery (COD) ngunit hindi naman kukunin o walang pambayad kapag hinatid na sa kanila ang produkto.

– Sa pagbebenta, kailangang maging magalang at iwasang mamahiya ng customers lalo na kung mayroon talagang sadyang hindi nakapag-aral at hindi alam ang tunay na paggamit ng produkto o hindi naiintindihan ang serbisyo. Huwag ding pa-seen zone kapag may mga tanong online, siguraduhing masasagot ang mga maaayos na tanong, at matutong mag pasalamat kahit ito pa ay sa level pa lamang ng pagtatanong sa produkto o serbisyon ibinibenta.