Sobrang asukal nagdudulot ng wrinkles

Mahilig ba kayo sa sobrang matatamis na pagkain o inumin? Ang pagkahilig ba ninyo ay halos araw-araw o maya’t maya? Paano kung ang asukal pala ang magiging bunga ng pagkakaroon o pagdami ng wrinkles sa inyong mukha?

Ang isang notorious candidate para sa pagkakaroon ng skin issues gaya ng acne ay ang asukal. Maliban dito, ang asukal ay nakasisira ng collagen, dahilan para maging sag at lumalim ang wrinkles o kulubot.

Iba ang isyung naibibigay kapag naaapektuhan ang collagen ng balat. Ang pinsalang ito ay bahagyang nauugnay sa natural na pagtanda at namamana na aspeto, habang ang malaking bahagi ay sanhi ng mga panlabas na salik tulad ng UV radiation, polusyon o ang bisyong paninigarilyo. Pero malaking bagay din ang masamang dulot ng pagkahilig sa matatamis na pagkain at inumin.

Ang mga protina tulad ng collagen ay namamahala sa pagbibigay sa balat ng pagiging malambot at kakayahang umangkop nito.

Ang mga taong may diabetes ay may mahinang paggaling ng sugat. Ang isa sa mga sanhi nito ay ang pagtaas ng mga antas ng asukal sa dugo ng mga diabetic na nagbabago ng collagen. Ganito rin ang impact ng asukal sa mukha, iniiba nito ang natural at positibong function ng collagen.

Tandaan na mawawalan ng saysay ang paggamit ng anti-aging products kung walang natural na pag-iingat sa katawan gaya ng kawalan ng tubig na iniinom, kakulangan sa pagtulog at ehersisyo at kung hindi nagiging tama ang pagkaing naaangkop lamang sa katawan.