SM Prime solusyon sa mas maayos na Terminal, Central Market ng Iloilo

Ang Iloilo Terminal Market, na kilala ring "Super," ay matatagpuan sa Mabini St., Barangay Flores, Iloilo City. (Kuha ni Ann Esternon)

Kapag prayoridad ang pagsulong ng isang lungsod, may mga paraan para makamtan ito. May pagsisikap ding gagawin para masuri kung ano-ano ang higit na kailangan ng mga nasasakupan.

Sa pagtutulungan ng lokal na pamahalaan ng Iloilo City at SM Prime Holdings Inc. (SM Prime), ang pinakamalaking developer at operator ng mga mall sa Pilipinas, matagumpay na naipatupad ang mga plano para sa pinahusay na mga pampublikong pamilihang Iloilo Terminal Market at Central Market.

Dahil interesanteng malaman ay nagtungo noong Agosto ang ilang miyembro ng Global Fusion Media, grupo ng media na nakabase sa Maynila, upang alamin ang mga proyektong ito sa Iloilo City.

 

Planong tinotoo para sa publiko

Ang inisyatiba ay pormal na itinatag noong Agosto 2022 sa ilalim ng balangkas ng public-private partnership at nagkaroon ng groundbreaking ceremony sa dalawang pamilihan noong hapon ng Setyembre 18, 2023. Ito ay sa panahon ng pamamahala ng dating alkaldeng Jerry Treñas.

Inayos ang mga pamilihan dahil sa kalumaan nito at hirap lalo ang mga nagtitinda’t mamimili kapag tag-ulan dahil matubig at maputik ang lugar. Bakas na ngayon sa mga pamilihan na ito ay organisado mula sa pagiging maliwanag, malinis, maayos na sirkulasyon ng hangin, suplay ng tubig at iba pa.

Malaking bagay din na ang mga pamilihan ay may mga ramp o daanan para sa mga kargamento, may mga elevator, at maayos na palikuran at parking para sa kaginhawaan ng mga nagtitinda at mamimili.

Ang Terminal at Central Public Market, na muling pinaunlad sa pamumuhunang P3 bilyon mula sa SM Prime, ay opisyal na binuksan sa publiko noong Oktubre 30, 2025 nang walang gastos para sa pamahalaang lungsod. Dahil dito, mas bumuti ang karanasan sa pamimili – mas mura, mas malinis, organisado at moderno. Ito ay nasa pamamahala ng Local Economic Enterprise Office na isang local government department at hindi privatized.

Nakabalik din ang mga dating vendor sa redeveloped na mga pamilihan at lokal na pamahalaan pa rin ang mamamahala sa mga operasyon nito. Sa ilalim ng 25-taong kasunduan sa pagpapaupa kasama ang pamahalaang lungsod ng Iloilo, pangangasiwaan at pananatilihin ng SM Prime ang mga pasilidad.

Ngayong nagbagong bihis ang dalawang pamilihan, sumasalamin ito sa pag-asam ng Iloilo City sa suporta ng alkaldeng Raisa Treñas. Nais ng lungsod na manataling aktibo ang kanilang ekonomiya at turismo dahil pinalalakas nito ang local micro, small, at medium enterprises. Ito rin naman ang dahilan kung bakit ang lungsod ay kilalang fastest-growing economy sa Kanlurang Visayas.

 

Iloilo Terminal Market

Ang Iloilo Terminal Market, kilalang “Super,” na may kabuuang floor area na halos 20,000 square meters ay may tatlong palapag at may 1,160 vendor capacity mula sa dating 911 lamang.

Sa pagbisita ng Global Fusion Media, nakita naming patuloy pang pinagaganda ang pamilihang ito, partikular ang drainage system.

Ayon kay Grace Ann Tan, Market Supervisor sa ilalim ng Iloilo City Government, matao ang lugar mula alas-2:00 ng madaling-araw hanggang alas-7:00 ng umaga at nagsasara sa alas-10:00 ng gabi. Karamihang itinitinda ay nasa wholesale price.

Tuwing Lunes, Miyerkoles, Biyernes at Linggo naman ang mas aktibong araw ng bagsakan ng mga paninda at ang karaniwang mga produktong ibinabagsak dito ay mula sa Leon, Kanlaon at Baguio City.

Dalawa rin ang elevator dito na para sa mga kargamento at mga mamimili para mapadali ang aktibidad sa palengke. Ayon sa mga vendor na aming nakapanayan, farm-to-market din ang sistema, walang middlemen, kaya abot-kaya ang mga bilihin. Mas dito rin namimili ang ibang vendors mula sa ibang mga palengke.

Seminar, kaayusan sa mga vendor

Sa kaayusan ng sistema sa palengke, may mga seminar o orientation ang lokal na pamahalaan para sa mga vendor. Kasama sa usapin ang kanilang mga karapatan. Mayroon din silang mga “shared space” o group chat kada seksyon sa palengke upang malaman ang alalahanin o hinaing ng mga vendor.

Required din ang mga vendor na mapanatiling malinis ang kanilang nasasakupan. Bagama’t may mga tagalinis mula sa pamahalaan, may partikular na lugar lamang itong sakop. Binabawalan ang mga vendor na magtapon ng mga magbabara sa drainage gaya ng kaliskis ng isda, ang multa ay P1,000.

Samantala, pagdating sa upa, ang pinakamataas na halaga sa isang puwesto rito ay P3,200 kada buwan. Ang mga puwesto naman sa gilid o labas (peripheral) na bahagi ng palengke, tulad ng mga barberya, ay P1,450. Ang ibang mga espasyo ay P2,700 habang ang pinakamababa ay P339 kada buwan.

Ang presyuhan ng upa ay saklaw ng Executive Order No. 21 kung saan ipinagpaliban ng Pamahalaang Lungsod ang anumang pagsasaayos sa mga singil sa upa sa merkado sa loob ng dalawang taon, para sa 2025 hanggang 2026.

Ang harapan ng Iloilo Central Market na matatagpuan sa Dr. Fermin Caram Sr. Avenue sa kanto ng Rizal Street, Iloilo City. (Kuha ni George Buid)

Iloilo Central Public Market

Dahil may mga bahagi na ng gusali noon ang hindi na ligtas sa publiko dahil sa kalumaan, kinailangan nang ipaayos ang Iloilo Central Market, na kilala ring Tienda Mayor (Tienda Major).

Sa pag-uusap noon ng Iloilo City Cultural Heritage Conservation Council at pamahalaang lungsod, aayusin ang gusali pero mananatili ang pamanang arkitektura nito, batay na rin sa desisyon ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) noong 2023.

Unang binuksan ang Iloilo Central Public Market noong Enero 15, 1912 ngunit ang harapan nito ay 1938 na lamang nagawa. Ito ang isa sa pinakalumang pampublikong palengke sa bansa at kilala rin sa klasiko nitong Art Deco architecture. Katabi rin nito ang mga lumang gusali – nagpapang-abot ang mga istrakturang nakatayo simula pa noong pananakop ng Espanya at Amerika. Dahil din dito ay kinilala ito bilang Cultural Tourism Heritage Zone noong 2013 at Historic Center sa bisa ng NHCP Resolution No. 3 noong 2014.

Bagama’t dumaan na sa rehabilitasyon ang palengke noong 1986, hindi naging sapat ito para sa pangangailangan ng lungsod.

Nang muling makumpuni ang pamilihan na may sukat na kabuuang floor area na 17,000 square meters, umabot na sa 850 ang vendor capacity nito mula sa dating 529 at mas maayos nang napakikinabangan ng lahat.

Ang presyo ng upa rito ay hindi nalalayo sa presyo sa Iloilo Terminal Market.

(Para sa iba pang mga larawan, tingnan dito)