‘Sister city’ agreement ng Pinas sa China sesentro sa turismo, ekonomiya

Ang Huangshan, ang loveliest mountain ng China. (mula sa www.rickshawtravel.co.uk)

Bilang pagtataguyod ng pagpapalitan ng turismo at pagtutulungang pang-ekonomiya sa pagitan ng Pilipinas at China, nagkaroon ng isang ‘new sister city’ agreement ang mga ito na isinagawa sa isang pulong noong umaga ng Mayo 18 sa Quezon City.

Nakasentro ang kasunduan sa turismo at ekonomiya ng Huangshan City ng China at Laoag City sa Ilocos Norte.

Ang okasyon kung saan imbitado at dumalo ang Huangshan City delegation mula sa China sa pangunguna ni Huangshan City Committee Secretary General Yang Long ay buod ng pagsisikap ng Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) sa pangunguna ng newly elected president nito na si Dr. Cecilio Pedro.

Nasa pulong din ang iba pang opisyal ng FFCCCII na sina George Chua Cham, Wilson Lee Flores, at Hubert Chua.

Nais ng dalawang bansa na mapagtibay ang samahan ng mga ito sa pamamagitan ng tradisyunal na magandang ekonomiya, kalakalan, kultura, at iba pang pagpapalitan ng kooperasyon.

Ang Huangshan, na may literal na kahulugan na Yellow Mountain, ay ipinakikilala sa bansa dahil ito ay popular sa China sa mga magagandang bundok nito na maraming kakaibang pine trees at iba pang hindi matatawarang tanawin. Taglay din nito ang dalawang UNESCO World Heritage sites – ang Huangshan o Yellow Mountain Scenic Area na kilala sa mundo dahil natural nitong landscape, at ang cultural heritage sites ng Xidi Village at Hongcun Village.

Samantala, kilala bilang “sunshine city of the Northern Philippines,” ang Laoag City ay tahanan ng maraming atraksyong panturista at may mga produkto para sa agrikultura at komersyal na industriya.