Sino ang mga toxic na tao? Paano sila mahuhuli?

May mga pagkakataon o sadyang hindi maiiwasan na mapasama ka sa grupo o lugar kung saan may toxic people o mga negatibong taong dagdag stress sa buhay mo.

Sa pagkakataon ding ganito ay mahirap silang iwasan lalo na kung kasama mo sa trabaho, nasa pamilya o nasa iisa lamang kayong lugar.

Pero para sa mga nangangapa pa, ano ba ang ugali ng mga taong toxic?

1 – Sila ang mga pabida na ang interes ay iangat ang sarili na wala sa tiyempo o hindi naman kailangan, at ang ibibida ang sarili habang may paninira sa iba.

2 – Walang paki o hindi alintana ang kanilang kilos na negatibo o unhealthy na para sa iba.

3 – Sinungaling o mahilig sa gaslighting. Ang gaslighting ay isang uri ng psychological na pagmamanipula kung saan ang nang-aabuso ay may pagtatangkang maghasik ng pagdududa sa sarili at kalituhan sa isip ng kanilang biktima o bibiktimahin. Ang gumagawa nito ay naghahanap upang makakuha ng kapangyarihan at kontrol sa ibang tao sa pamamagitan ng pagbaluktot sa katotohanan at pagpilit sa kanila na tanungin ang kanilang sariling paghuhusga at intuwisyon.

4 – Ayaw umamin sa mali at hindi magso-sorry at minsan pa-victim o ipalalabas na sila ang kawawa.

5 – Ayaw kumilala ng boundaries na alam nang hindi ka puwede sa oras na iyon, na personal mo nang gamit ang ginagamit niya, at iba pa.

6 – Mga tsismosa. Ang ibang tawag sa kanila ay mimosa, Marites, buwaya sa katihan, at iba pa.

7 – Masyadong mapanghusga, mapuna pero hindi makita ang sariling mali.

8 – Masyadong magagalitin na tipong nagsisimula pa lamang ang araw, event, happenings ay may issue na agad silang ibinibigay.

9 – Mahilig mag-guilt trip. Halimbawa nito ay kung mayroon kang isang kaibigan na gini-guilt trip ka tungkol sa pakikipagkita sa iba at ito ay nagdudulot sa iyo ng pagkakasala at masama para sa kanila.

10 – Conversational narcissist na tipong sa usapan ay hindi ka hahayaan na magsalita – puputulin nila ang pagsasalita mo at sa pagsasalita nila ay sila ang bida sa kuwento.

11 – Drama magnet. Ito ang mga taong mahilig sa drama o issue na kasimple-simpleng bagay ay pinalalaki. O puwedeng katatapos lamang din ng problema pero aariba na naman sila para sa panibagog paglikha ng isyu.

12 – Mga inggitero. Sila ang mga walang bait sa sarili. Sa halip na maging masaya sa tinamasa ng iba ay sisiraan pa nila. Sila rin ang ayaw sa healthy competition at gagawa ng paraan para masira ang iba.

13 – Matigas ang ulo, mapilit at ayaw makinig. Sila ang mga parang may sariling mundo na kapag pinapayuhan mo nang tama ay ayaw makinig at mas sinusunod ang desisyong baluktot o hindi uubra at nangyayari ito nang madalas o palagi.

14 – Hindi maka-move on negatively. Alam natin may tamang panahon para maka-move on. Pero ibang isyu kapag masyadong obvious na hindi maka-move on ang mga tao sa puntong nasisira na ang usapan ninyo, araw ninyo at madalas o lagi itong ginagawa.

15 – Mga plastik. Sila ang hindi magpakatotoo at nag-iiba rin ang mga ugali kapag iba ang kasama o kaharap.

16 – Mga taong late. Ito ang mga taong madalas o palaging late na walang pagpapahalaga sa oras ng iba. Mas malala pa kung hindi sila marunong mag-sorry, nakukuha pa nilang tumawa o maging proud sa pagiging late.

17- Mga hindi marunong makisama. Sila ang mga walang pakialam kung sila ay hindi maasahan, walang pagkukusa sa dapat nilang iambag na paraan para maging madali ang trabaho ninyo.

18 – Mga makasarili. Wala silang inuuna o pinagmamalasakitang iba maliban sa kanilang mga sarili. Kung magkakaroon sila ng concern sa iba ay sinisilip pang kung ito ay may benepisyo sa kanila.