Sinigang: Pasok sa World’s 100 Best dishes ng TasteAtlas

Sinigang na baboy

Nakaka-proud na kinilala muli ang pagkaing Pinoy!

Ika-97 sa listahan ng pinakamasarap na putahe sa mundo ang sinigang ng Pilipinas para sa taong ito, at nakakuha ito ng gradong 4.5 out of 5 stars.

Ang pagkilalang ito ay mula sa TasteAtlas na popular bilang online food and travel guide.

Noong 2021 at Abril ng taong ito, kinilala rin ng TasteAtlas ang sinigang para sa kategoryang “Best Soup in the World.”

Ang sinigang natin ay maraming bersyon mula sa karne ng baboy, baka, manok, isda, at hipon.

Ang maasim na putaheng ito ay may pinakasangkap ng sampalok. Ang nagpapakumpleto rin sa sarap ng sinigang ay ang pampalasa ring kamatis, sibuyas, kangkong, okra, talong, labanos, sitaw, sigarilyas, siling haba, at hinahaluan din ng patis.

May ibang bersyon din ng sinigang na sa halip na sampalok ang gamit ay mas nasasarapan sa kamias, hilaw na mangga, o kaya ay bayabas.

Kasama ring itinampok ng TasteAtlas sa kanilang website kung saan makakakain ng masasarap na uri ng sinigang gaya ng Locavore, Romulo Café, Sentro 1771, The Aristocrat, Abe Serendra, Fely J’s Restaurant, Manam Comfort Food, at Max’s.

Ang sinigang ng Pilipinas na ika-97 sa listahan ng pinakamasarap na putahe sa mundo para sa taong ito, at nakakuha ng gradong 4.5 out of 5 stars.
Ang sinigang na tampok sa TasteAtlas website at kinilala bilang isa sa World’s 100 Best dishes.

Ang sinigang noong unang panahon

Ang sinigang, isang ulam na may katutubong pinagmulan, ay naging pangunahing pagkain ng mga Pilipino sa loob ng maraming siglo, bago ang pagdating ng mga mananakop.

Dahil laganap din ang maaasim na pagkaing may sabaw sa mga bansa tulad ng Malaysia, Indonesia, Vietnam, at Thailand, malamang na ang sinigang ay naimbento ito sa atin o ng mga kalapit na bansa sa Southeast Asia. Sa kabila ng kawalan ng malinaw na tala orekord na pinagmulan, masasabing malalim din ang kuwento ng putaheng ito.

Sa ibang kuwento, ang mga pinagmulan ng lutuin ito ay matutunton sa mga panahon ng mga katutubo ng Pilipinas habang ang mga ito ay gumagamit ng mga pampaasim tulad ng sampalok, kamias, at bayabas upang lasahan ang kanilang mga ulam. Gayunpaman, noong panahon ng kolonyalismo ng mga Espanyol noong ika-16 na siglo, ang sinigang ay naging popular at naging pangunahing pagkain sa lutuing Pilipino. Habang lumilipas ang panahon ay nadaragdagan o naiiba ang mga sangkap nito upang makamit ang mga lasang swak sa panlasang Pilipino maging ng mga banyaga.

Tunay na iba ang sarap na dala ng sinigang. Kapag ito ang inihain mapaparami ka ng kain!