2 dekadang sarap: Sinigang na ulo-ulo sikat sa Maginhawa St.

Ang number one seller na Sinigang na Norwegian salmon sa Home of the Sinigang na Ulo-Ulo sa Maginhawa St. sa Quezon City. (Kuha ng BIlibb)

Pagkaing authentic at special ba ang hanap ninyo? May masarap na lutong-bahay sa Maginhawa sa Quezon City na sadyang dinarayo.

Isang patunay na masarap ang kanilang mga putahe ay ang pananatili nila sa industriya na dalawang dekada na ngayon.

Mga Bicolano ang mag-asawang Boy at Vilma “Vi” Balana na may-ari ng Home of the Sinigang na Ulo-Ulo kaya maaasahan na authentic ang kanilang mga pagkain.

Ang area sa loob ng Home of the Sinigang na Ulo-Ulo. (Kuha ng Bilibb)

Nagbukas ang kainan bilang maliit lamang na karenderia noong 2003, panahon na marami ang gym sa Maginhawa St. Sinabayan ito ng mag-asawa na dapat ay maging healthy din ang kanilang mga lutuin.

Nagsimula lamang sila sa kanilang garahe at sa puhunang P10,000. Sa unang araw ay kumita sila ng P1,800. Tulad ng ibang kainan, noong una ay hindi sila puntahin, pero dahil sa tunay na pagkain at maayos na serbisyo ay naging popular na ito.

Ang maliit na fish pond sa loob ng Home of the Sinigang na Ulo-Ulo. (Kuha ng Bilibb)

Dahil mga lutong Bicol ang nasa kanilang hapag hindi nawawala ang mga pagkaing may lahok na gata ng niyog tulad ng Bicol Express, Laing, Kinunot na page, Ginataang langka, at Tinoktok o pangat.

Itsurang probinsya o dampa ang kainan, may mga halaman at puno, at native ang ibang mga kasangkapan. Sa mga gustong magkamay, mayroong banga roon sa mga gustong maghugas ng kamay. May small fish pond din na nakaaaliw pagmasdan habang hinihintay ang order na pagkain.

Ang isa pang area sa loob ng Home of the Sinigang na Ulo-Ulo. (Kuha ng Bilibb)

 

Bidang sarap sa hapag

Bida siyempre ang sinigang na ulo-ulo sa kainan na ito. Isa itong pang-araw-araw na pagkain sa Bicol na ang tawag ay “cocido” o “kusido.”

Noong una ay mga lokal na isda ang gamit dito tulad ng maya-maya pero dahil nagkaroon ng problema sa supply ng mga ito ay naging opsyon nila ang pink salmon o Norwegian salmon na siyang nilalahok nila ngayon sa sinigang.

Nasa 100 kilos ng salmon ang kanilang hinahain sa bawat araw – basehan na ganyan karami ang kanilang customers.

Kung sawa na kayo o nais maiba ang nakagawiang sinigang sa sampalok, ang sinigang na ulo-ulo rito ay nilalahukan ng kalamansi kaya ibang talab din sa sarap ang ibinibigay.

Kasama sa mga lahok ay ang luya, sibuyas, kamatis, kalamansi juice, malunggay, talbos ng kamote, mustasa na puwedeng ipares sa sawsawan na toyo, patis, o bagoong isda na may kalamansi at labuyo.

Malambot, malasa, at hindi malansa ang pagkakaluto kaya comfort food talaga. Kung bitin sa sabaw puwedeng magpa-refill nang libre.

Ang isang ulo ng salmon ay puwede nang paghatian ng dalawang tao. Ang presyo ng sinigang ay depende sa laki ng ulo ng isda pero ang sigurado busog kayo sa sarap.

 

Ang iba’t ibang halaman sa loob ng Home of the Sinigang na Ulo-Ulo. (Kuha ng Bilibb)

 

Mga pagkaing patok sa Home of the Sinigang na Ulo-Ulo na puwedeng iuwi ang iba na frozen

– Adobong kalabaw

– Laing

– Bicol express

– Sinaing na tulingan

– Kinunot na page

– Pork dinuguan

– Kandingga o bopis

– Tinoktok o pinangat

– Gising-gising

– Igado

– Ginisang monggo

– Ginataang langka

– Lechon paksiw

Ang masasarap na putahe ng Home of the Sinigang na Ulo-Ulo: Salmon ulo-ulo (gitna); (clockwise) Sinaing na tulingan, Adobong kalabaw, Bicol express, Dinuguan, Laing, at Gising-gising,  (Home of the Sinigang na Ulo-Ulo Facebook page)

Gusto mong tikman ang mga sarap na nabanggit? Tara sa Maginhawa St. at i-experience ang Home of the Sinigang na Ulo-Ulo. Bukas ito ng 8:00 o 9:00 ng umaga hanggang 7:30 ng gabi, araw-araw at half day kapag Linggo.

 

Home of the Sinigang na Ulo-Ulo

172 Maginhawa St., Barangay Sikatuna Village, Diliman, Quezon City

8353 1661 / 09178521657

uloulo.maginhawa@gmail.com