Simpleng handaan sa Kapaskuhan

Para sa mga budgetera

Kuha ito kamakailan sa Quiapo sa Maynila malapit sa simbahan kung saan ang isang puwestong ito ay bilihan ng mura at sariwang mga prutas. (Kuha ng Bilibb)

Ang Pasko ay isang selebrasyon na idinaraos sa buong mundo ng mga Kristiyano at maging ang hindi Kristiyano dahil sa pakikiisa nila para sa okasyong ito.

Dahil kultura na natin ang paghanda sa Noche Buena at Media Noche, dito rin nagtitipon-tipon ang mga pamilya, at iba pang malalapit sa buhay.

Noche Buena

Ang Noche Buena ay salitang Kastila na ang literal na ibig sabihin ay “magandang gabi” (good night sa Ingles). Ito ang isang araw (Disyembre 24) bago ang mismong araw ng Pasko na pinagsasaluhan sa pamamagitan ng mga handang pagkain. Espesyal na gabi ito para sa mga Filipino o Kristiyano kung saan ay nakikiisa rin ang ibang relihiyon.

Media Noche

Ang media noche ay salitang Kastila rin na ang literal na ibig sabihin ay hatinghabi. Sa kultura ito ay ipinagdiriwang tuwing bisperas ng Bagong Taon o Disyembre 31. Ito ay kapistahan sa hatinggabi bilang selebrasyon sa pagpasok ng bagong taon at sa inaasahang pagpapala nito.

Simpleng handaan sa karaniwang pamilya

Kakanin

Maraming kakanin ang mabibili sa pampublikong pamilihan na mura at masasarap. May presyong mabibili nitong P8-P10 ang isa at puwede na ang budget na P80-P200 para rito.

Pansit o pasta

Kung kaya namang magluto ay makatitipid din sa pansit. Maraming klase nito na ang halaga ng kabuuang nilutong pansit o pasta ay maaring P200-P400 – depende sa dami ng ihahanda o depende sa dami ng kakain.

Fruit Juices

Huwag nang bumili ng soda o soft drinks dahil mahal rin ito. Mainam na bumili na lamang ng sachet juices (isang sachet, isang litro) para sa buong magdamag o isang araw na handaan. P100-180 ang budget para rito.

Bigas

Hindi nawawala ang kanin sa handaan. Maaaring maglaan ng budget mula P140-P200 para sa 4 na kilong bigas na depende rin naman sa dami ng kakain.

Ulam

Sa mga ulam ay may pagpipiliang menudo, lumpia o kaldereta (isda, karne ng baboy o baka) na puwedeng pagkasyahin ang budget na P400-P700. Kung gusto ninyo naman ng healthy at murang kare-kare puwede na ang kare-kareng gulay – pasarapan lamang naman ang labanan sa pagluluto niyan.

Sa lumpia mas makatitipid kung ang lahok nito ay isda pero mataas sa nutritional value. May iba rin na tinapa ang lahok para iba rin naman ang sarap.

Puwede rin ang litsong manok na P200-P350 ang isang buong manok.

Ham

May ham na mabibili sa budget na P175-P595 na ang bigat ay 500g-1kilogram na ang klase ay puwedeng manok o karne ng baboy.

Dessert

Pasado na sa mga nagtitipid ang buko pandan. Ang iba ay dinadamihan ang gelatin para rito at sinasarapan depende sa gatas na gagamitin.

Sa fruit salad sakto na ang iba sa nata de coco, gelatin, at pinya para ihalo sa condensed milk at creamer. Sa halagang P300-P500 ay mayroon na nito.

Leche flan na ang halaga ay P40-P60 ang isang tray o llanera na puwede nang bilhin.

Mga prutas

Mansanas na apat na piraso ay P50, ponkan na tatlo ay P90-P100, isang small tub ng ubas na P50.

May mabibili sa palengke na ubas na lagas na ngunit sariwa pa rin sa halagang P50. Puwede na itong tsagain para pagsaluhan ng pamilya.

Presyong public market lamang ang pinagkunan ng mga presyo ng mga nabanggit.

Maaari rin namang maging opsyon ang pagbili ng mga luto nang pagkain para sa hindi marunong magluto. Malaking tulong din para menos sa pagod at paggamit ng pangluto – de-kuryente man o liquefied petroleum gas.

Hindi naman kailangan magarbo ang handaan ang mahalaga ay may maayos ang pamilya at may pagsasaluhan para sa selebrasyon. Kailangang isipin na may iba pang gagastusin matapos ang Pasko at Bagong Taon. Kailangan lamang sulit ang mabibili mula sa dami nito at halaga ng bibilhin pagkain.

Espesyal na Handaan

Ang isang epektibong payo para sa mga nagnanais talaga na magkaroon ng espesyal na pagsasaluhang pagkain sa Noche Buena at Media Noche ay ang pagkakaroon ng maayos na paghahanda para rito. Ang paghahanda na ito ay maaaring simulan ng Enero.

Kailangang magkaroon ng plano sa una o mga unang buwan pa lamang ng taon. Kailangan ay pag-ipunan ito. Ang P200-P500 pagtatabi kada buwan ay malaking bagay upang sa huling buwan ng taon ay madudukot para magkaroon ng espesyal na mga pagkain para sa hapag.

Kung nasusunod ang halaga ng pag-iipon, sa 12 buwan ay makaiipon ng P2,400 – P6,000.

Ang P200-P500 na pag-iimpok ay puwedeng masabing malaki, pero kung kayang paghatian ng pamilya – ambagan, kung hindi gagastos sa hindi kailangan ay magagawa naman basta may maayos na plano at pagtutulungan para rito.

Pagtitipid pa

Dahil kailangang magtipid, kung halimbawang may selebrasyon ng kaarawan, binyagan, kasal, maaaring isabay na ito sa araw ng Pasko o Bagong Taon. Isang handaan na lamang.

Mag-imbita na lamang ng tamang dami ng tao na kakasya sa budget na inilaan para rito.

Huwag na ring bumili ng mga paputok o firecrackers dahil bukod sa bawal at mahal ay disgrasya pa ang aabutin mula rito.