SIM registration deadline posibleng ma-extend

Posibleng ma-extend ang subscriber identity module (SIM) card registration deadline ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT).

Sa kasalukuyan ay halos 25 porsyento pa lamang ng subscribers ang rehistrado dahilan para ikonsidera ang pagpapalawig ng deadline ng rehistrasyon.

Noong Marso 7 ay may rehistrado lamang na 24.54 porsiyento o 41.47 milyon sa 169.98 milyong SIM sa bansa sa lahat ng telco providers.

Mula sa orihinal na deadline na Abril 26, 2023 ay madadagdagan pa ito ng 120 araw upang mairehistro ang SIM bilang pagtalima sa Republic Act No. 11934 na kilala rin bilang SIM Registration Act.

Noong Oktubre 10, 2022 ay naging ganap na batas ang pagrerehistro ng SIM card na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Naisabatas ito upang maging epektibong paraan ng pag-regulate ng mga SIM card na karaniwang ginagamit sa mga panloloko o spam at scam messages. Malaking bagay din na pang-iwas ito sa paggawa ng krimen at iligal na mga aktibidad.