‘Siling labuyo gamot sa dengue’ pinabulaanan ng DOH

Pinabulaanan ng Department of Health (DOH) ang naglalabasang claim o pahayag na ang siling labuyo (bird’s eye chili) ay panggamot laban sa dengue.

Pinapayuhan ng ahensya ang publiko na huwag maniwala sa nasabing maling pahayag.

“The DOH clarifies that currently, there is no specific treatment for dengue. The Department encourages Filipinos that the best way to prevent dengue is to avoid mosquito bites,” ayon sa pahayag ng ahensya.

Pinaaalerto rin ang publiko na maging maingat sa kagat ng lamok. Maaaring magsuot ng long sleeves, pants, medyas, at maglagay ng insect repellent lotion o spray.

Kinakailangan ding umiwas sa mga pinamumugaran ng mga lamok tulad ng mga lugar kung saan marumi, may nakatambak, may stagnant water o o naipon at hindi gumagalaw na tubig.

Sakali naman na makaranas ng sintomas ng pagkakaroon ng dengue ay makabubuting dalhin na ito sa doktor o ospital. Ang mga sintomas na ito ay pananakit ng ulo, pagsusuka, rashes o pamamantal, pananakit ng likod na bahagi ng mata, pamamaga ng glandula, o pananakit ng kalamnan at kasu-kasuan.