Si Mali ng Manila Zoo: Atraksyon ng Maynila

Ang Manila Zoo na matatagpuan sa M. Adriatico St, Malate sa Lungsod ng Maynila. (Kuha mula sa Manila Public Information Office)

Nagbukas sa publiko ang Manila Zoological and Botanical Garden o mas kilala bilang Manila Zoo noong July 25, 1959 sa panunungkulan noon ng dating alkalde ng Maynila na si Arsenio H. Lacson.

Ang Manila Zoo na matatagpuan sa Malate, Maynila ay may sukat na 5.5 ektarya at tanging public zoo ng Maynila na pinamamahalaan ng Public Recreations Bureau (PRB) sa tulong ng mga grupo ng botanists, zoologists, at professional veterinarians.

Ang aerial view ng Manila Zoo na may 5.5-hectare na laki. (Kuha mula sa Manila Public Information Office)

Sa datos ng Manila Zoo noong April 2015, isang libong mga hayop mula sa 90 species ay matatagpuan sa kanilang lugar. Tahanan din ito ng mahigit sa 10,000 uri ng mga halaman na patuloy pang lumalago.

Ang entrance sa Manila Zoo. (Kuha ng BILIBB)

Muling pagbubukas ng Manila Zoo

Sa panahon ng alkalde ng Maynila na si Francisco “Isko” Moreno Domagoso, nagsara ang Manila Zoo sa publiko noong 2020 dahil sumailalim ito sa rehabilitasyon sa budget na P1.7 bilyon.

Sa inisyal at planong pagbubukas ng zoo noong Nobyembre 15, 2022 ay iniurong ito ng Nobyembre 21, 2022. Ayon sa pamumuno ngayon na si Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan, ito ay dahil may stall owners na nakiusap sa PRB na mas mapaghandaan ang tuluyang pagbubukas ng zoo.

Dahil Kapaskuhan ay tiyak na maraming mga bata at magulang ang matutuwa sa pagdayo sa Manila Zoo kung saan makikita ang main attraction ng pasilidad na si Mali.

Si Mali na pinakaatraksyon sa Manila Zoo, ay isang babaeng Asian elephant na iniregalo ng pamahalaang Sri Lanka sa Maynila noong 1977. (Kuha ng BILIBB)

Si Mali ng Manila Zoo

Ang Asian elephant na nag-iisa lamang sa Manila Zoo ay regalo ng pamahalaang Sri Lanka sa mga batang Manilenyo noong 1977. Ang babaeng elepanteng ito ay si Mali o Ma’ali (Vishwama’ali) na pinakaatraksyon sa lugar.

Si Mali ay wala nang mga magulang at tatlong taon pa lamang noon nang dalhin sa bansa.

Nag-iisang elepante rin si Mali ng Pilipinas na edad 49 na ngayon. Base sa elephant standard, bata pa ito dahil nabubuhay ang uri nito hanggang 80 taon.

Sa araw-araw, si Mali ay pinakakain ng 150 kilos ng pinagsama-samang mga damo, gulay, at prutas.

Isyu kay Mali

Minsan nang naging isyu na si Mali ay hindi naaalagaan nang maayos sa Manila Zoo at dapat ito ay nasa malayang lugar ng kagubatan o dalhin sa Thailand. Ngunit base sa Network for Animals, isang non-governmental at international animal welfare organization, si Mali ay malusog para sa kanyang edad. Ang pahayag nito ay dahil nagkaroon ng blood test ang naturang organisasyon para sa elepanteng nabanggit, mahigit limang tao na ang nakalilipas.

Hindi pabor ang NFA na nasa zoo ang mga hayop, pero iba ang kaso ni Mali.

“Network for Animals does not approve of zoos, full stop. But we always ask ourselves, what would the animals want? We believe that in this case, the Manila Zoo is the best option for Mali,” ayon sa NFA sa inilabas nilang video noong 2018.

Ang Toco Toucan na isang uri ng ibon ay isa sa mga atraksyon ng Manila Zoo dahil sa malaki at orange nitong beak o tuka. (Kuha ng BILIBB)

Iba’t ibang hayop sa Manila Zoo

Mula sa Asian elephant na si Mali, matatagpuan din dito ang ibang mga hayop tulad ng unggoy, tigre, ibon, usa, kabayo, ahas, pagong, bayawak, buwaya, iguana, at iba pa.

Ang isa sa mga naglalakihang buwaya sa Manila Zoo. (Kuha ng BILIBB)
Ang tigre na ito ay isa sa mga inaabangang makita nang malapitan ng mga bumibisita sa Manila Zoo. (Kuha ng BILIBB)

Iba’t ibang halaman sa Manila Zoo

Mula sa basket plant, makikita rin dito ang blue plumbago, bulb rain lily, aglaonema silver king, calathea, cophea, Chinese duranta, fortune plant, mayana, Japanese bamboo, luhang dalaga at marami pang iba.

Pagbisita sa Manila Zoo

Bukas ang Manila Zoo araw-araw mula 9 ng umaga hanggang 6 ng gabi.

Ang pagtanggap ng mga bisita ay sa loob lamang ng itinakdang oras. Ang mga nasa loob ng zoo ay maaaring mamalagi hanggang 8 ng gabi.

Iba-iba ang presyo ng pagpasok sa Manila Zoo. Mas mura ito kung kayo ay residente ng Maynila. Kailangang ding magpresenta ng valid IDs ang mga bibisita rito.

Sa pagbisita sa Manila Zoo, maaaring magpa-reserve sa www.manilazoo.ph

Tumatanggap din sila ng walk-ins at doon ay puwedeng magbayad online sa kanilang designated kiosks.

Ano pa ang mga bago sa Manila Zoo?

Malaki ang ipinagbago ng facility na ito na tiyak na hindi makararanas ng pagkapuno ng lugar. Mas malinis, mabango, maaliwalas na Manila Zoo ang mararanasan ngayon.

Malaki rin ang ipinagbago dahil nag-iba ang mga lugar ng mga hayop. May tinatawag ding Butterfly garden, may palaruan para sa mga bata sa Children’s Park, at iba pa.

Hindi na rin kailangang magdala ng mga pagkain dahil may food kiosks na makikita rito.

Bayad sa pagpasok sa Manila Zoo

May kaukulang pagbabayad sa pagbisita sa zoo na ginagamit sa patuloy na pangangalaga sa lugar na ito:

Adult and child – P150 para sa mga residente ng Maynila at P300 para sa mga hindi residente ng Manila

Students – P100 para sa mga taga-Manila at P200 para sa mga hindi taga-Manila

Senior Citizens at PWDs (person with disabilities) – 20% discount on prescribed fees

Zoo Trivia

Ang Tiergarten Schönbrunn na matatagpuan sa Vienna, Austria ang pinakamatandang zoo sa buong mundo na itinatag noong Hulyo 31, 1752.

Ang Thiruvananthapuram Zoo (Trivandrum Zoo) ng India ay ang pinakamatandang zoo sa Asya. Ito ay itinatag noong 1857 pero sinasabing mas na-trace ang roots nito sa pagitan noong 1830 at 1847.

Ang Manila Zoo ay tahanan ng Asian elephant na si Mali, na nag-iisang elepante sa Pilipinas. Mapalad ang pasilidad na ito dahil bibihira sa zoo ang magkaroon ng elepante dahil ang halaga nito ay humigit-kumulang na P80 milyon.