Shariff Kabunsuan Festival kulay ng Cotabato

Ang sayaw na ito ay isa lamang sa mga aktibidad ng isang linggong pagdiriwang ng Shariff Kabunsuan Festival ng Cotabato City sa Mindanao. (Mga kuha ni Teddy Pelaez)

Tulad ng taunang nakaugalian, ang Shariff Kabunsuan Festival ay makulay at masayang ipinagdiwang ng Cotabato City sa Mindanao na nagsimula noong Disyembre 15, 2022 at nagtapos ng Disyembre 19, 2022.

Ang enggrandeng pagbubukas ng okasyon ay ginanap ika-7:30 ng umaga sa Cotabato State University Grand Stadium sa Sinsuat Avenue, Cotabato City.

Ang kapistahan ay bilang paggunita sa pagdating at buhay ng Arab-Malay na Shariff Kabunsuan o Kabungsuwan na kinikilala sa pagdadala ng Islam sa malaking bahagi ng Mindanao mahigit 500 taon na ang nakararaan. Gayundin nasa okasyon na ito ang pagpapakita ng mga pamana at kultura ng Cotabato City at rehiyon ng Bangsamoro.

“Sa totoo lang po, before I became City Mayor of Cotabato, I have been very hopeful to see two governments work together hand in hand to celebrate our identity and our heritage that co-existed peacefully, economically, political and even culturally with our highlander neighbours”, ani Cotabato City Mayor Mohammad Ali “Bruce” Dela Cruz Matabalao.

Kasama sa naging seremonya ng pagbubukas ang isang reenactment ng pagdating ni Shariff Kabunsuan sa bukana ng Rio Grande de Mindanao sa isang guinakit mula sa Johore sa kasalukuyang Malaysia.

Ayon sa tarsilas o Maguindanao genealogy records at oral stories, nakilala ni Shariff Kabunsuan si Tabunaway at ang kanyang nakatatandang kapatid na si Mamalu. Si Tabunaway ay yumakap sa Islam ngunit si Mamalu ay hindi, nagpasya na pumunta sa mga bundok at manirahan doon. Sinasabing ang mga ninuno ni Tabunaway ay ang mga Maguindanao samantalang ang kay Mamalu ay mga Teduray, ang tradisyonal na animistic na katutubong grupo ng timog at gitnang Mindanao. Si Shariff Kabunsuan din ang sinasabing nagtatag ng sultanato ng Maguindanao.

Sa temang “One Heritage, One Culture, Endless Possibilities,” nilalayon din ng isang linggong kapistahan na ipakita at itaguyod ang pagkakaisa ng bawat mamamayan sa Bangsamoro anuman ang paniniwala, lipi, at relihiyon ng isang tao.

Maliban sa mga katutubong sayaw, naging aktibidad din dito ang mga pagkanta, 402 metrong drag race na nilahukan ng 35 units ng mga sasakyan, agri-trade fairs, Qur’an Reading Exhibition, pet show, fashion show, fluvial parade at iba pa.

Ang Shariff Kabunsuan Festival ay dinaluhan ng high-ranking officials mula sa iba’t ibang tanggapan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM sa pangunguna rin ni Chief Minister Ahod B. Ebrahim.

Ang selebrasyon ng Grand Pagana na bahagi ng Shariff Kabunsuan Festival. (Kuha ni Teddy Pelaez)
Ang Pagana na tradisyonal na kapistahan ng Maranao ay isang paraan ng tribo sa pagtanggap ng mga espesyal na panauhin. Nangangahulugan ito ng pagtrato sa mga bisita ng pinakamataas na anyo ng mabuting pakikitungo, na sumasagisag sa antas ng pagkamagalang ng host at nagpapahiwatig ng antas ng biyaya ng host. Nagtataguyod din ito ng kapayapaan at pagkakaisa. (Kuha ni Teddy Pelaez)