Senate Bill sa matik refund sa mahinang serbisyo ng telcos, ISPs inihain

Inihain ni Senador Jinggoy Estrada ang Senate Bill 2074 na mag-aamyenda sa Section 20 ng Republic Act 7925 o mas kilalang Public Telecommunications Policy Act na nag-uutos sa telcos o public telecommunications companies (PTEs) at internet service providers (ISPs) na magkaroon ng refund para sa mahinang serbisyo ng mga ito.

Ang panukalang batas ay tumutukoy sa awtomatikong refund o adjustment sa bayarin ng mga subscriber kapag nakaranas sila ng mga pagkaantala sa serbisyo nang hindi bababa sa 24 na oras sa loob ng isang buwan.

“Kapag hindi ka nakabayad ng iyong bill sa itinakda nilang due date ng pagbabayad, mabilis pa sa alas-kwatro ang pagputol nila ng linya. Kung hindi rin naman nila matutumbasan ang serbisyong binabayaran natin, dapat ikaltas ito sa ating mga bayarin,” anang senador na vice chairperson of the Senate committee on public services.