SC: LGU traffic enforcers sa Metro Manila bawal mangumpiska ng lisensya

Bawal mangumpiska ng driver’s license at mag-isyu ng traffic violation ticket ang traffic enforcers ng local government units (LGUs) sa Metro Manila maliban kung ito ay deputized o hinirang na kinatawan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). Ito ang bahagi ng desisyon ng Supreme Court (SC) na may petsang Hulyo 11, 2023, ngunit ipinoste noong Marso 4 sa website nito at isinulat ni Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa.

“Metro Manila Development Authority (MMDA) has exclusive authority to enforce traffic laws, rules and regulations, declaring that the local government units (LGUs) in Metro Manila may participate in such functions only when their traffic enforcers are deputized by the MMDA,” ayon sa website ng SC.

Ang pinagmulan nito ay isang demanda na dinala ng 11 transport organization sa Court of Appeals noong 2006. Iginiit ng mga ito na ang iba’t ibang citation mula sa MMDA at local government units ay hindi malinaw dahil may ilang organisasyon na hindi tumatanggap ng mga tiket na inisyu ng MMDA o iba pang LGUs.

Sa desisyon pa ng SC, walang bisa ang paniniket o ticketing provisions na nakabatay sa mga ordinansa sa trapiko ng LGUS sa Metro Manila.

Ayon pa sa SC, tanging batas ng MMDA ang dapat na masunod sa pangangasiwa ng trapiko sa Metro Manila maging sa single-ticketing system. Kaugnay nito, maghaharap muna ang pamunuan ng LGUs at MMDA upang walang maging kalituhan at pag-abuso sa ipinag-uutos ng Korte Suprema.