Salmon, pampano bawal na sa wet market simula Dis. 4

Nakatakdang kumpiskahin ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mga inangkat na pink salmon at pampano sa mga pampublikong pamilihan.

Ito ngayon ang mahigpit na babala ng ahensya sa mga nagbebenta ng nasabing mga isda.

Simula Disyembre 4, 2022, uumpisahan ng BFAR ang pagkumpiska sa wet market ang mga inangkat na pink salmon at pompano dahil ito ay labag sa ilalim ng Fisheries Administrative Order (FAO) 195.

Ang pagkilos na ito ay mula sa information drive sa 21 wet markets sa National Capital Region mula Nobyembre 24, 2022 hanggang Disyembre 3, 2022.

Base sa ahensya, ang naturang uri ng mga isda ay nararapat lamang para sa canning, processing at institutional buyers tulad ng malalaking kumpanya, restaurants at hotels.

Tanging mga awtorisado lamang na imported na mga isda ang papayagan ng ahensya na mabili sa merkado. Dagdag pa ng ahensya na ang mga isdang inangkat sa pamamagitan ng Fisheries Administrative Order 259 at Certificate of Necessity to Import (CNI), na naglalaan ng prayoridad sa kooperatiba, municipal fishing associations, at commercial fishing operators na naging apektado ng closed season ng pangingisda, ay pinapayagang ibenta ang mga ito sa mga wet market.

Paglilinaw pa ng ahensya na ang pink salmon at pompano ay hindi kasama sa CNI na inisyu noong nakaraang buwan na naglista ng mga imported na produktong isda na maaaring ibenta sa mga wet market.

Samantala, nasilip ito at ipinag-uutos ng Office of the Ombudsman na imbestigahan kung bakit kamakailan lamang ipinatupad ng BFAR ang nasabing FAO 195, base sa nakalap na order ng DZBB.