‘Ride for Valor’ kasado na sa Marso 2023

Ipinakikita nina Glenn Cadorna (kaliwa) at Diego Almirante, mga miyembro ng Wartime Heritage Guild Philippines (WHG), ang mga kasuotang pangsundalo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Bahagi ang WHG sa isinagawang presscon hinggil sa “Ride for Valor” na isang historical fun ride for a cause bilang pag-alala sa ika-81 anibersayo ng Bataan Death March na gaganapin sa March 2023. (Kuha ng Bilibb)

Kasabay ng pag-alala sa susunod na taon na ika-81 na anibersaryo ng Pagbagsak ng Bataan, nais ng Philippine Veterans Bank na magkaroon ng isang aktibidad na sasariwa sa alaalang ito kung saan magsasagawa ng “Ride for Valor 2023”.

Ito ang naging laman ng talakayan sa “Pandesal Forum” sa 83-year-old na Kamuning Bakeshop sa Quezon City kung saan ang naging moderator ay si Wilson Lee Flores noong Disyembre 7, 2022, sa bisperas ng makasaysayang Disyembre 8, 1941 na pagsalakay ng mga Hapon sa Pilipinas.

Ang “Ride for Valor 2023” na taunang aktibidad ay muling pagsasama-sama ng mga siklista at iba pang supporters para sa tatahaking 160 kilometrong long bike ride sa Marso 5, 2023 na daraanan ang bakas ng Bataan Death March.

Kasado na ang “Ride for Valor 2023” na isang historical fun ride for a cause bilang pag-alala sa ika-81 anibersayo ng “Bataan Death March” na gaganapin sa March 2023. Ang proyektong ito ay tinalakay sa pangunguna nina (mula sa kaliwa) Atty. Dennis Gorecho, advocate ng Flowers for Lolas, Comfort Women; Mike Villa-Real, First Vice-President ng Philippine Veterans Bank at Executive Vice President ng Veterans Federation of the Philippines Sons & Daughters Association, Inc.; at Pasig City Rep. Roman Romulo. Ang talakayan ay ginanap sa “Pandesal Forum” noong Disyembre 7, 2022 sa 83-year-old na Kamuning Bakeshop sa Quezon City kung saan ang naging moderator dito ay si Wilson Lee Flores (dulong kanan). (Kuha ng Bilibb)

“Ride for Valor aims to be an instrument for todays generation to rediscover the role of Bataan during World War 2,” ayon kay Mike Villa-Real, First Vice-President ng Philippine Veterans Bank at Executive Vice President ng Veterans Federation of the Philippines Sons & Daughters Association, Inc.

“Ang advocacy po namin is to remember at i-reserve ang kuwento ng aming mga tatay, nanay, mga lolo’t lola,” dagdag pa ni Villa-Real.

Ang non-competitive na aktibidad ay pagpupugay sa pakikipagkaibigan, katapangan, at sakripisyo ng mga Pilipino at Amerikano na ipinaglaban ang ating kalayaan.

Ang Mariveles ang isa sa dalawang starting points ng Bataan Death March na siya ring lugar na pagsisimulan ng “Ride for Valor”.

Sa pondong mabubuo mula sa historical fun ride ay makatutulong ito para sa Filipino-American Memorial Endowment o FAME upang makapagpatayo ng historical markers na nasira dala ng mga aksidente, road projects at iba pa.

Ang interesadong participants ay kailangang fully vaccinated at magparehistro sa bit.ly/RideforValor2023. Ang mga bisikleta lamang na may mga preno ang papayagan sa event.

Mga suporta sa Ride for Valor 2023

Isa si Pasig City Rep. Roman Romulo sa sumusuporta sa Ride for Valor 2023 dahil naniniwala itong mahalagang isulong at mapanatili ang kasaysayan lalo na sa henerasyon ngayon.

Pag-alala ni Romulo sa pelikulang Heneral Luna na dinagsa ng mga tao, patunay ito na uhaw ang mga Pilipino sa ganoong klase ng istorya ng kasaysayan.

“Ang dami nating puwedeng maikuwento ang problema nga ay hindi documented eh. Ang problema ‘yong mga istorya iba-iba pero hindi talaga documented,” ayon kay Romulo.

Tunay na nasa kasaysayan din nagmumula ang pagkakakilanlan ng bawat nasyon. Dito masisikap ang ibayo pang pangangailangan sa pag-unlad din ng bansa.

Sa paggunita rin sa Pagbagsak ng Bataan, kinikilala rin ang karapatan ng mga naging Pilipina noon na naging biktima ng mga pang-aabuso ng mga Hapon.

Ganito rin ang paniwala ni Atty. Dennis Gorecho, advocate ng Flowers4Lolas para sa Comfort Women, na aniya marami pang istorya ng nakaraan ang kailangang maidokumento at malaking bahagi rito ang tulong ng pamahalaan. Dagdag pa ng abogado na ang mga naging biktima, na bagaman ay kaunti na lamang silang nabubuhay ay kailangan maibigay pa rin sa kanila ang karampatang atensyon at huwag makalimutan.