Ricky Lee pinarangalan ng FFCCCII

Ang National Artist for Film and Broadcast Arts na si Ricky Lee (gitna) habang nagpapahayag ng kanyang pasasalamat sa Plaque of Honor, Lifetime Achievement Award na ibinigay ng Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. (FFCCCII) sa pangunguna ng mga opisyal nito na sina Public Information Committee Vice-President & Adviser Jeffrey Ng (kaliwa) at Public Information Committee Chairman Wilson Lee Flores. (Kuha ng Bilibb)

Espesyal na nagbigay ng parangal ang Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. (FFCCCII) kay National Artist for Film and Broadcast Arts na si Ricardo Arreola Lee na mas kilala bilang Ricky Lee.

Ang parangal ay inihandog kay Lee noong Disyembre 15, 2022 sa 83-year-old na Kamuning Bakery sa Quezon City.

“Today we are pleased to award the FFCCCII Plaque of Honor to an excellent writer and a fellow Filipino of Chinese heritage who has been confirmed the order of National Artist of the Philippines for Film and Broadcast Arts Ricky Lee,” ani FFCCCII Public Information Committee Vice-President & Adviser Jeffrey Ng.

“Ricky Lee has made an outstanding contribution to the arts and cultural life of our nation. Through his career achievements he has set a standard to which our young writers should all aspire for. We recognize the tremendous distinction he brings to the Filipino-Chinese community. It is our great pleasure to award the FFCCCII Plaque of Honor Lifetime Achievement Award to Mr. Ricky Lee,” ayon pa kay Ng.

Mula pa noong 1973, si Lee ay nakabuo na ng mahigit sa 180 film screenplays. Itinuturing siyang genius ng Philippine cinema.

Ang National Artist for Film and Broadcast Arts na si Ricky Lee (gitna) habang tinatanggap ang plake at medalya para sa Lifetime Achievement Award mula sa Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. sa pangunguna ng mga opisyal nito na sina Public Information Committee Vice-President & Adviser Jeffrey Ng (kaliwa) at Public Information Committee Chairman Wilson Lee Flores. (Kuha ng Bilibb)

“Thank you for this honor. Ang laki-laki at ang bigat-bigat,” masayang bungad ni Lee sa natanggap niyang plake at medalya. “It’s very important for me dahil it brings me back to my Filipino-Chinese roots. Hindi na ako masyadong marunong mag-Chinese. I stopped studying Chinese when I was in Grade 5 when my father died. Pero nakakaintindi pa naman ako ng Chinese hindi lang ako makapagsalita. Maraming-maraming salamat dito sa parangal na ito ng FFCCCII,” dagdag pa niya.

Naikonekta ni Lee ang parangal sa kauna-unahang niyang pelikulang “Dragnet” na pinagbidahan noon ni dating Pangulong Joseph Estrada noong 1973 na may kinalaman din sa mga Instik.

Ang parangal na ito ay kasunod na aktibidad ng FFCCCI sa hindi matatawarang mga kontribusyon ng piling mga Pinoy sa pagtataguyod ng kultura at sining sa Pilipinas. Bago si Lee ay kinilala rin ng pederasyon si Jose Mari Chan.

 

 

Mga obra ni Ricky Lee

Sa mahigit apat na dekada, si Ricardo “Ricky” Lee na kilalang pinakamalikhain na screenwriter ay nakagawa na ng mahigit sa 200 screenplays. Kabilang sa kanyang mga obra na hinangaan ay ang “Brutal” (1980) at “Karnal” (1983), “Himala” (1982), “Macho Dancer” (1988), “The Flor Contemplacion Story” (1995), “José Rizal” (1998), at “Muro Ami” at “Deathrow” (2000).

Maliban sa mga nabanggit, dalubhasa rin si Lee sa short stories, plays, essays, novels, at teleplays. Siya rin ay isang mamamahayag.

Mahigit sa 50 parangal na ang kanyang tinanggap mula sa iba’t ibang award-giving bodies tulad ng Filipino Academy of Movie Arts and Sciences Awards o FAMAS, Film Academy of The Philippines o FAP, Metro Manila Film Festival o MMFF, Gawad Urian, Golden Screen, Maria Clara, Star Awards, World Premieres Film Festival, at Young Critics Circle. Maging ang Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature ay mayroon din si Lee bilang pagkilala pa sa kanya.