Remedyo sa pangangalay ng mga braso

Marami sa atin ang nakararanas ng pangangalay ng iba’t ibang parte ng katawan.

Karaniwang nararamdaman ito ng mga taong nagkakaedad na o mga taong bugbog sa trabaho.

Bakit ba mayroong pangangalay na nararamdaman?

Ang pangangalay partikular sa mga braso o kamay ay dahil sa sobrang pagkapagod nito o mali ang posisyon habang ito ay kumikilos. Tinatawag ang pangangalay na ito na carpal tunnel syndrome. Sa kondisyong ito ay madalas na nakabaluktot ang mga pulso. Nakakaramdam din ng pangangalay dahil ang median nerve sa braso ay naiipit o may pamamaga rito. Ang median nerve ay nasa carpal tunnel o ang daanan ng ugat na nasa pulso.

Sa pagsusuri, ang matagal na pagtitipa gamit ang computer ay nagdudulot ng pangangalay kung saan mas mababa ang posisyon ng mga kamay sa pulso. Maaari ring makuha ito kung ikaw ay may ibang sakit tulad ng diabetes, obesity, hypothyroidism at arthritis.

Nasa pag-aaral din na mas nagkakaroon ang mga babae ng pangangalay sa braso kumpara sa mga lalaki. Paliwanag ng pag-aaral, ang mga babae ay mayroon mas maliit na carpal tunnel.

Ang mga buntis ay nakararanas din ng pangangalay ngunit nawawala rin ito matapos na silang ay makapanganak.

May ibang nakararanas nito na ang pangangalay ay umaabot hanggang sa balikat.

Habang tumatagal ang pangangalay ay nakararamdam din ng pananakit, hirap sa paghawak o paggalaw pa ng mga kamay at braso.

LUNAS SA PANGANGALAY

– iwasang mapagod nang husto ang mga kamay at braso lalo na sa parte ng kamao.

– iwasang laging nakatiklop ang mga braso o siko.

– pagpahingahin ang mga kamay at braso at iwasan itong mabasa.

– pag-inom ng anti-inflammatory na gamot base sa nireseta ng doktor.

– kumain ng mga masusustansyang mga pagkain

– mag-ehersisyo at ihersisyo ang mga kamay o i-shake-shake ito nang regular.

– paggamit ng wrist braces, ngunit ang epekto nito ay hindi umuubra sa lahat ngunit wala namang side effects.

– operasyon matapos na masuri ng doktor.