Rekomendadong dami ng kain ng itlog kada araw

Alam natin na ang itlog ay puno ng protina kaya ito ay nakatitibay at nakalalakas ng katawan. Kailangan ng katawan ng protina dahil ito ang nagkukumpuni ng muscles at mga buto. Lumilikha rin ito ng hormones at enzymes at nagdadala ng oxygen sa buong katawan sa inyong dugo. Dahil sa protina ay nagkakaroon ng laban ang katawan kontra mga impeksyon.

Ang itlog ay puno rin ng magandang kalidad ng protina ngunit ano ang rekomendadong dami lamang nito ang dapat kainin sa bawat araw?

Ang karaniwang itlog ay naglalaman ng anim hanggang pitong gramo ng protina. Ang tamang dami ng protina na kailangan ng ating katawan ay nakadepende sa ating kasarian, edad, timbang, lagay ng kalusugan, at iba pa. Para sa karaniwang adult ang kailangang dami ng protina ay nasa pagitan ng 50-60 grams kada araw.

Pagdating sa itlog, ipinapayo ng mga eksperto na isang itlog kada araw ang kainin para sa karaniwang tao. Kung maganda ang pangangatawan at may normal na kolesterol levels, maaaring kumain ng hanggang dalawang itlog kada araw. Nababawasan ang dami ng pagkain nito kapag ang tao ay may high blood cholesterol levels lalo na sa mga taong diabetic dahil delikado sila sa pagkasira ng puso. Mataas din kasi sa kolesterol ang itlog pero mas malala pa rin ang kolesterol mula sa red meat, butter, cheese at iba pang full-fat dairy.

Kung kakain ng itlog, huwag nang kumain pa ng bacon, sausages, at buttered toast dahil mataas na ito sa saturated fat.

Ang karamihang saturated fat ay nagmumula sa mga hayop, tulad ng karne, dairy products, at mga tropikal na taba o mantika tulad ng niyog, palma, at palm kernel.

Ang saturated fat ay tipikal na solid at room temperature.

Ang dami ng LDL (low-density lipoprotein) cholesterol sa iyong dugo ay maaaring tumaas kung sobra ang saturated fat na kinokosumo. Ang panganib ng sakit sa puso at stroke ay tumataas kung ang antas ng LDL cholesterol sa dugo ay mataas.

Tandaan na humigit-kumulang 185 mg ng dietary cholesterol ang matatagpuan sa isang itlog, sa yolk lamang. Kaya maganda o healthy lamang kumain ng itlog sa mga taong hindi obese, walang family history ng mga sakit sa puso. Kung halimbawa ang edad ay 55 o higit pa at ang LDL ay sobra pa sa 150, sapat na ang isang itlog sa isang linggo.

Hindi naman nakamamatay ang pagkain ng itlog, pero siguradong magdadagdag ito ng peligro kapag alanganin na ang ating kalusugan kahit wala pang itlog na nakakain.