Regulasyon ng content creators kontra fake news itinutulak

Iminungkahi ng kinatawan ng Bataan 1st District, na si Geraldine Roman ang pagpaparehistro ng mga content creator, kabilang ang mga vlogger, advertiser, public relations firm, gayundin ang mga kinatawan mula sa Department of Information and Communications Technology National Bureau of Investigation, at mga pangunahing social media platform tulad ng Facebook, Instagram, TikTok, at YouTube.

Ang inisyatiba na ito ay naglalayong labanan ang pagkalat ng maling impormasyon at magtatag ng state regulatory body o Digital Council of the Philippines, isang non-government regulatory body na naglalayong magtakda ng mga pamantayang etikal para sa digital contents.

“Hindi ba hindi nakikita minsan si Doc Willie Ong, (but) through AI nagbebenta siya ng kung ano-anong products. Si Doc Alvin halatang-halatang nagpa-follow ako ng mga reels. Pati rin si Dr. Vicky Belo kahit hindi niya produkto binibenta. So, there are economic repercussions,” diin ni Roman sa press briefing na isinagawa itong Lunes, Marso 4.

Kasama ni Roman, binigyang-diin din ni La Union Rep. Paolo Ortega V ang kahalagahan ng pag-regulate ng mga social media content creator sa gitna ng paglaganap ng fake news.

“Karamihan nga ay trolls, mga hired mercenaries. Kaya nakakalungkot itong mga taong ito (na) employment din ang habol nila, kailangan nila ng pera, kailangan nila ng trabaho pero they’re doing it in such a way na napakairesponsable, na it’s getting out of hand,” ayon kay Ortega.

Ayon kay Roman, titiyakin ng mga hakbang na ito na ang mga influencer ng social media ay mangyayari sa parehong mga pamantayan ng pananagutan gaya ng mga nasa tradisyonal na media. Magpapatupad din ang iminungkahing konseho ng Code of Ethics at magsasagawa ng fact-checking bilang tugon sa mga reklamo tungkol sa maling impormasyon.