Ang ugnayan sa pagitan ng pagkonsumo ng pulang karne at naprosesong karne at ang panganib ng cancer ay nakakuha ng malaking atensyon mula sa researchers at health professionals sa paglipas ng mga taon.
Ang mga red meat at processed meat ay iminungkahi bilang mataas na prayoridad para sa pagsusuri ng IARC Monographs Program ng isang internasyonal na advisory council na nagpulong noong 2014. Ang alituntuning ito ay batay sa pananaliksik sa epidemiology na nagpapakita na ang pagtaas ng pagkonsumo ng red meats at processed meats ay maaaring may kaugnayan sa bahagyang pagtaas ng panganib ng ilang uri ng kanser – sa madaling salita ito ay puwedeng carcinogenic.
Ang International Agency for Research on Cancer (IARC) ay isang espesyal na ahensya ng World Health Organization (WHO) na nakatuon sa pag-unawa at pagkontrol sa kanser sa buong mundo.
Bagaman minimal ang mga panganib mula sa red meats at processed meats, maaaring malaki ang epekto nito sa kalusugan ng publiko dahil tumataas ang pagkonsumo ng karne sa mga bansang may mababa at katamtamang kita at kinokonsumo ng malaking bilang ng mga tao sa buong mundo.
Batay sa pa WHO, ito ang iba pang dapat malaman hinggil sa red meats at processed meats:
Ano ba ang red meats?
Ito ang mga klase ng karne na nagmula sa baka, baboy, kabayo, kambing, o tupa.
Ano ang processed meats?
Ito ang mga karneng prinoseso gamit ang maraming asin, pagburo, pagpapausok o breaded o may chemicals para mas lumasa ang pagkain at mas tumagal ito. Ang tulad nito ay canned meats tulad ng corned beef at luncheon meat, at iba pa. Kasama rin dito ang ham, bacon, hotdog, sausages kabilang ang longganisa, tocino, beef jerky, tapa, salami, at iba pang cold cuts – kahit pa ito ay galing sa manok, bibe, pabo.
Ano’ng cancer ang maaaring makuha sa pagkain ng red meats?
Ayon sa WHO at sa IARC Working Group, ang colorectal (bituka) cancer ay may pinakamalakas, kahit na kakaunti pa rin, na ebidensya ng ugnayan sa pagkain ng uri ng karneng ito. Sinasabi ring may ebidensya ng kaugnayan sa cancer sa pancreatic (lapay) cancer at prostate cancer.
Ano’ng cancer ang maaaring makuha sa pagkain ng processed meats?
Colorectal (bituka) cancer ang isang nakikita sa pag-aaral na maaaring makuha sa pagkain ng processed meats. Sinasabi ring makukuha rito ang stomach (sikmura) cancer pero ang ebidensya ay pa malinaw.
Masusukat ba ang panganib ng pagkain ng red meats at processed meats?
Sa mga pag-aaral na sinuri, ang pagkain ng processed meats ay nauugnay sa bahagyang pagtaas sa panganib ng cancer. Ayon sa mga pananaliksik, ang pagkain ng mas maraming karne ay karaniwang nagpapataas ng panganib. Ayon sa isang pagsusuri ng datos mula sa 10 pananaliksik, bawat 50 gramo ng processed meats na kinokonsumo araw-araw ay nagpapataas ng panganib ng kanser sa colon at rectum nang halos 18%.
Samantala, dahil mas kaunti ang ebidensya na nagdudulot ng cancer ang red meats, mas mahirap tantyahin ang panganib ng cancer na nauugnay sa pagkonsumo nito. Gayunman, ipinakikita ng statistics mula sa parehong pananaliksik na maaaring tumaas ng 17% ang panganib ng cancer sa bituka para sa bawat 100 gramo ng red meats na kinokonsumo araw-araw kung mapapatunayang may kaugnayan ang red meats at ang sakit.

