Quezon City handa na sa makulay na Chinese New Year

Sa ginanap na press conference para sa selebrasyon ng Chinese New Year, naririto sina (mula sa kaliwa) Wilson Lee Flores, representative ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc.; Teresa “Tetta” Arroyo-Tirona, OIC ng Quezon City Tourism Department; Quezon City Mayor Joy Belmonte-Alimurung; president Joaquin Co past president Joseph Lim Bon Huan ng Quezon City Association of Filipino Chinese Businessmen, Inc., at Tan Barnatia na kinatawan ni Congressman Arjo Atayde. (Kuha ng Bilibb)

Aminado ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng Quezon na malaking tulong ang Filipino Chinese community lalo na ang mga negosyante sa bansa bilang karagdagang katatagan sa ekonomiya.

Bilang tugon din sa maraming nalugi sa kanilang hanay ay nagtutulungan ngayon ang mga ito para makabangon mula sa mahigit dalawang taong hagupit ng pandemyang dala ng COVID-19.

Kaugnay nito ay nagkaroon ng talakayan hinggil sa pagdiriwang ng Chinese New Year sa lungsod ng Quezon sa pangunguna ni Mayor Joy Belmonte-Alimurung, President Joaquin Co, past President Joseph Lim Bon Huan ng Quezon City Association of Filipino Chinese Businessmen, Inc., Vice Mayor Gian Sotto at Tan Barnatia na kinatawan ni Congressman Arjo Atayde. Ito ay ginanap sa Executive Lounge sa Quezon City Hall, Enero 19, 2023.

Ang nasabing tradisyon ay sinimulan sa lungsod noon pang 2015. “We celebrate almost every year. Nag-stop lang tayo because of the pandemic. So, this is a year of recovery for everybody. So, welcome po. Sana mas maraming tao po ang maka-attend for this celebration,” ayon kay Co.

Sa unti-unting panunumbalik ng ekonomiya ay aktibong masasaksihan muli ng publiko ang tradisyunal na Banawe Chinese New Year sa Enero 22, Linggo. Ito ay pagsalubong ng ugnayang Filipino-Chinese sa Year of the Water Rabbit. Ang okasyon ay gaganapin sa kanto ng P. Florentino at Banawe Avenue ng naturang lungsod.

“Chinese New Year celebration is very important to us here in Quezon City because we have Filipino Chinese community. And obviously this is very big part of their culture. As a city that I would consider a melting pot of the entire country where everybody is welcome and everybody is treated equally. Pantay-pantay po nating kinikilala lahat ng ating mamamayan. Ang ating Filipino Chinese community members, we would like to give them a chance to express their culture and we would like to support this as part of our policy – inclusivity,” ayon naman kay Mayor Belmonte-Alimurung.

Ang programa sa darating na Chinese New Year sa Enero 22, 2023.

Mga aktibidad na aabangan

Asahan ang mga aktibidad sa pagdiriwang ng Chinese New Year tulad ng Chinatown Float Parade, Dragon and Lion Dance na mga pagtatanghal, Food Festival and Bazaar sa kalye, at fireworks display.

Gayundin, samo’t saring paninda ang partikular na makikita sa lugar na may kaugnayan pa rin sa Chinese New Year na magaganap sa ilalim ng aktibidad na Spring Food Festival and Bazaar.

Siniguro rin naman ang kaligtasan ng lahat sa darating na okasyong ito kung saan aabot sa 600 unipormadong personnel ang ipakakalat sa pagdarausan ng selebrasyon. Maaari rin namang tumawag sakaling may problema tungkol dito.

“Anywhere in Quezon City, tawag ka lang sa 122. ‘Pag kailangan ninyo ng pulis, tatlong minuto, nandiyan ang pulis sa tabi ninyo, bigay ninyo lang address. That is an assurance dito sa Quezon City that we can respond to any call,” ayon kay Quezon City Police District director Brig. Gen. Nicolas Torre III.

Ang rutang daraanan sa gaganaping floating parade para sa nalalapit na Chinese New Year.

Kaugnay pa ng okasyon, ang lokal na pamahalaang lungsod ng Quezon ay naglabas ng traffic advisory para magkaroon ng adjustments sa paggamit ng mga kalsada ang publiko.

 

Mahalagang abiso sa mga motorista

Isasara po ang bahagi ng Malingap St. para sa isasagawang Drag Den Street Viewing Party ng Maginhawa Food Community Inc. sa Sabado, January 21, 2023 mula 9:00 AM hanggang 12:00 AM ng Linggo, January 22, 2023.

Magpapatupad ng traffic re-routing sa lugar para sa mga dadaang motorista.

Maginhawa St – Kalayaan Ave:

– Mula Maginhawa St. kumaliwa sa Madasalin St., at kumanan sa Mapagkawanggawa St. kumaliwa sa Malingap St. patungong Kalayaan Ave.

– Mula Maginhawa St. kumanan sa Mahabagin St. kumaliwa sa Mapagkawanggawa St. at kumanan sa Malingap St. patungong Kalayaan Ave.

Kalayaan Ave – Maginhawa St.

– Mula Kalayaan Ave. kumanan sa Malingap St. kumanan sa Mapagkawanggawa St. at kumaliwa sa Madasalin St. patungong Maginhawa St.

– Mula Kalayaan Ave. kumanan sa Malingap St. kumaliwa sa Mapagkawanggawa St. at kumanan sa Mahabagin St. patungong Maginhawa St.

Maraming salamat po sa inyong pang-unawa.

Ang traffic advisory na inilabas sa publiko ng lungsod ng Quezon para sa gaganaping Chinese New Year.