Purchase booklets ng senior citizens, PWDs tanggalin – Tulfo

Nais ipatanggal ni Representative Erwin Tulfo, ang ACT-CIS partylist at deputy majority leader, ang paggamit sa mga purchase booklet na requirement para sa senior citizens at persons with disabilities (PWDs) para makakuha ng kanilang diskwento sa pagbili sa groceries at botika.

Ito ang naging sentimiyento ni Tulfo sa isinagawang House Committee on Ways and Means hearing itong Martes dahil para sa kanya ay useless lamang ang naturang booklet at dagdag pahirap.

Ang purchase booklet ang requirement at kailangang ipakita upang ang mga senior citizen at PWDs ay makakuha ng 20% diskuwento kapag sila ay bibili sa supermarkets, iba pang mga tindaha, at sa mga botika.

Para kay Tulfo, insulto lamang ang purchase booklet dahil patunay naman na ang senior citizen ID ay nagsasabi nang mga senior na ang mga ito.

“This is an insult to all the senior citizens kasi parang tinitingnan ng mga merchants ng mga business establishment na mga manloloko ang mga senior citizen natin kaya they have to own a booklet,” giit ni Tulfo. “Hindi pa ba enough yung kanilang mga senior citizen ID? The mere fact na mayroon silang senior citizen IDs it identifies them as a senior citizen.”

“I find it useless na ipakita ang booklet,” ani naman United Senior Citizens Party-list Rep. Milagros Aquino-Magsaysay, bilang pagsang-ayon sa pagpapatanggal ng purchase booklet.

Positibo naman ang naging tugon dito ni Albay Rep. Joey Salceda na siyang chairperson ng naturang komite.

“I agree, with that, we will increase the membership of the TWG (technical working group) crafting the new law on senior citizens and PWDs. Rep. Erwin can join anytime with the TWG that is writing the new law,” ani Salceda.