
Ang heat stress ay isang kondisyong pisyolohikal na dulot ng kawalan ng kakayahan ng katawan na i-regulate ang temperatura dahil sa matagal na pagkakalantad sa init. Sa pagdaan ng panahon, ang mga epekto nito ay umaabot sa labas ng pisyolohiya ng tao na nakaaapekto sa mas malawak na mga proseso ng kapaligiran na pinagagana ng mga hindi na natural na rason.
Sa ginanap na talakayan itong Martes ay binigyang-diin ng Greenpeace, isang independiyente at non-profit na organisasyong pangkalikasan, ang epekto ng heat stress sa pamamagitan ng paglabas ng isang report na “Here Comes the Sun: Climate Justice-based Recommendations for Protecting Communities from Extreme Heat.”
Nabuo ang report mula sa mga diskusyong isinagawa sa Navotas, Bataan, Laguna, Siargao, Eastern Samar, Tacloban City sa Leyte, at Cadiz City sa Negros Occidental.
Sa talakayan, nakiisa dito sina Dr. Rosa Perez, climate specialist at environmental expert; Congresswoman Anna Veloso-Tuazon, chair ng Technical Working Group mula sa Leyte; Mayor Melchor Mergal ng Salcedo Eastern Samar; Restituto del Rosario, sectoral representative mula sa National Anti-Poverty Commission-Artisanal Fisherfolk Sectoral Council (NAPC-AFC); at iba pa.
Nilalaman ng “Here Comes the Sun”
Isa sa mga tinukoy sa report ay ang pag-aaral ng kaso ng 71 mangingisda mula Luzon, Visayas, at Mindanao. Ayon sa Philippine Statistics Authority, ang mga mangingisda ay patuloy na nasa estado ng pinakamahirap sa 14 na pangunahing sektor, na may insidente ng kahirapan na nasa pagitan ng 27.4% at 30.6% – halos doble ng national baseline na 15.1%. Binibigyang-diin ng pagsusuri kung paano ang kalusugan, kabuhayan, at pangkalahatang kagalingan ng mga komunidad ng mangingisda ay lalong nanganganib dahil sa lumalalang matinding init.
CLIMA Bill mas tumitibay, mas lumalaban
Orihinal na inihain noong Nobyembre 2023 ng limang author, ang Climate Accountability (CLIMA) Bill ay naglalayong magkaroon ng mekanismo kung saan ang mga apektadong komunidad ay makakuha ng kabayaran sa mga nawala at nasira na idinudulot ng climate change.
Ang panukala ay kadikit ng report na “Here Comes the Sun” upang lubos na maunawaan ang epekto ng heat stress para maipasa nang batas.
“Hindi po tayo titigil sa kabayaran (na sisingilin) kasi magse-set din po ng mekanismo para mabago ang business models ng mga negosyo na mataas ang kanilang contribution sa greenhouse gas emissions,” ani Virginia Benosa-Llorin, Senior Campaigner of Greenpeace Philippines.
Sa ngayon ang CLIMA Bill ay mayroon nang 17 authors sa House of Representative na pinagtitibay pa ang laban ng mga biktima.
Ilan sa mga epekto ng heat stress
Sa ekonomiya, ang heat stress ay maaaring magdulot ng pagbaba ng produktibidad sa iba’t ibang sektor, partikular sa agrikultura, konstruksyon, at mga outdoor labor-intensive na trabaho o “under the sun” na trabaho. Bukod pa rito, apektado rin ang pampublikong kalusugan, edukasyon, at iba pa.
Sa agrikultura, ang init na dulot ng heat stress ay maaaring magresulta sa mas mababang ani ng mga produktibidad, na sa huli ay nakaaapekto sa mga supply chain ng pagkain at nagpapataas ng mga presyo. Iba rin naman ang epekto nito kahit sa mga mangingisda na sana’y sa karagatan pero iba na ang epekto sa kanila ng init ngayon.
“Unti-unting naranasan ng mga mangingisda ang epekto ng pag-init mga year 2015. Kapag pumalaot na kami sa dagat walang masilungan, walang waiting shed. Dati isang damit lang ang nakasuot, isang tee shirt pero sobrang masakit po ang init ngayon pagdating sa dagat. Hindi po siya pangkaraniwan kapag tumatama sa balat. Nagdodoble na po kami ng tee shirt at nakatabing na lahat ang mukha namin,” ani Restituto del Rosario, sectoral representative mula sa National Anti-Poverty Commission-Artisanal Fisherfolk Sectoral Council (NAPC-AFC).
El Niño hindi climate change
Dahil ang Pilipinas ay isang tropical country, natural na may init tayong mararamdaman. Maliban pa sa ibang environmental factors na mga tao na mismo ang may gawa, nagreresulta ito sa heat stress at ang heat stress ay isang climate issue, public health issue, at environmental justice issue.
May isyu ring dala ang climate change at El Niño. Pero paglilinaw ni Dr. Rosa Perez, climate specialist at environmental expert, ang El Niño ay hindi climate change.
“Ang El Niño is the warm phase. Mapapainit pa niya ang panahon. Kasi kung natural state, ang El Niño po, hindi naman ito climate change. So, kahit walang climate change mayroon tayong El Niño. It is a natural climate variation or fluctuation. So, in a normal state ay puwede siyang 3 to 7 years, papalit naman ang La Niña. It’s a natural cycle. Pero kapag mayroong climate change will add heat to whatever we are experiencing,” ani Dr. Perez.
Mensahe mula sa mga organisasyon, komunidad at partners:
• “Pangulong Marcos, araw-araw naming hinaharap ang matinding init sa dagat upang may maipakain sa aming mga pamilya, ngunit kapalit nito ang aming kalusugan at kabuhayan. Kaming karaniwang tao ang napipilitang gumawa ng aksyon at mga inisyatiba tuwing lumalala ang krisis sa klima, imbis na ang mga totoong nagpapatindi nito. Ang climate justice ay nangangahulugang pananagutan ng pamahalaan na protektahan ang mga mangingisdang nasa unahan ng epekto ng matinding init at pagbabago ng klima. Panahon nang magpatupad ng kongkretong mga hakbang na tunay na magtatanggol sa aming buhay, kalusugan, at kabuhayan.” – Resituto del Rosario, fisherfolk leader mula sa Bataan
- “Bilang single-parent at indirect fisherfolk, ramdam ko araw-araw ang tindi ng init habang nagsisikap kumita para sa pamilya. Umiiksi ang oras ko sa paglalako sa kalsada tuwing grabe ang init. Maliban dito, nailalagay din sa panganib ang kalusugan ng aking pamilya. Kay Presidente Bongbong, nawa’y hindi namin pasanin ang buong bigat ng krisis sa klima. Tanging hiling po namin ay proteksyon at tulong sa aming sitwasyon upang patuloy kaming makapamuhay nang maayos, ligtas, at may dignidad.” – Rosemarie Reyes, fish vendor mula sa Navotas
• “Climate justice is non-negotiable. Fisherfolk and millions of Filipinos enduring relentless extreme heat are not “extra costs” to be written off-they are people whose rights, livelihoods, and futures demand protection. The Philippine government must act now, before the climate crisis escalates from scientific projections into an even harsher daily reality. President Marcos must take the first meaningful step toward climate justice by holding climate polluters, who have condemned the most vulnerable to a life of hardship in the name of profit, accountable under the law.” – Jefferson Chua, Greenpeace Philippines Climate Campaigner
- “The findings of the Heat Stress Study confirm what our basic-sector communities experience every day on the ground: rising temperatures are a slow-onset, deadly disaster devastating public health and local livelihoods. Yet, because extreme heat is not officially recognized under our national disaster framework, our local governments remain hamstrung without the mandatory protocols and emergency funds needed to protect vulnerable workers and families. We urgently call on the NDRRMC and our policy-makers to formally include Heat and Extreme Heat Events in the official national classification of natural disasters. Treating heat stress as the severe disaster it is will unlock crucial DRRM funding, enforce workplace thermal safety, and deliver true climate justice to those least equipped to survive it.” – Faith Bacon, Council Member, NAPC-VDC
(Para sa iba pang mga larawan, tingnan dito)
