Pride Month makulay na ipinagdiwang sa Enchanted Kingdom

Proud na proud ang Enchanted Kingdom na nakibahagi ito sa pagdiriwang ng Pride Month nitong Hulyo 2 sa Spaceport Grounds ng Enchanted Kingdom sa Sta. Rosa, Laguna.

Sa pamamagitan ng konsyerto, ang okasyon na tinawag na “Magic of EKquality” ay pagdiriwang at pagsuporta sa LGBTQIA (lesbian, gay, bisexual, transgender, queer, intersex, asexual) community bilang pagsulong sa pagkakaiba-iba, pagkakapantay-pantay at pagkakaisa.

Naging tampok sa konsyerto ang lineup ng talented artists ng IWant TCS, DRAG & ME’s actors Precious Paula Nicole (Drag Race PH winner), Lance Carr, Amy Nobles, JC Alcantara, at Andrea Brillantes. Naroon din ang Vivacious dance crew, Tanya Jose Evans, Loura Mercy, Tiffany, Lady Gagita at Anton Diva.

Ang layunin ng okasyon ay hikayatin ang mga tao mula sa lahat ng larangan ng buhay—pati na rin ang LGBTQIA community—na yakapin ang pagkakaiba-iba, pagkakapantay-pantay, at pagiging kasama. Makakalikha rito ng mas malakas, mas nakaeengganyong lipunan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan at pagtanggap sa ating pagkakaiba-iba.