Price freeze ipinatupad sa Abra

Ipinatutupad ngayon ng Department of Trade and Industry-Abra ang Price Freeze o Price Control sa mga Pangunahing Pangangailangan kaugnay ng magnitude 7 na lindol kamakailan sa lalawigan, ayon sa anunsyo sa Facebook page ng Abra Province.

Ang presyo ng mga pangunahing bilihin ay mananatili sa umiiral na presyo. Ito ay alinsunod sa Resolution No. 180, p. 2022 na idineklara ang lalawigan ng Abra sa ilalim ng State of Calamity. Ito ay batay na rin sa mga probisyon ng Republic Act 7581 o ang Price Act of the Philippines.

Ang ulat ay kaugnay din sa hinihiling ni Pinuno Party-list Rep. Howard Guintu sa pamahalaang nasyonal na pairalin ang naayong aksyon at tulong para hindi magtaas ang presyo ng mga bilihin sa Abra at iba pang mga kalapit na lugar na apektado ng lindol.

“Nakasaad sa ating Price Act o Republic Act (RA) 7581 na ang presyo ng nga pangunahing bilihin o basic necessities ay mafi-freeze sa prevailing rate o kasulukuyang presyo sa loob ng maximum na 60 na araw sa mga lugar na idineklarang disaster area o nasa ilalim ng state of calamity o emergency,” ayon kay Guintu sa isang pahayag noong Biyernes, Hulyo 29.

“Siguruhin sana ng Department of Trade and Industry at iba pang ahensiya ng gobyerno na sapat ang suplay ng mga pangunahing bilihin sa Abra at ipa bang lugar na tinamaan ng lindol sa norte at bantayan nila na walang mga magsasamantala sa trahedyang ito,” ayon pa kay Guinto.