Presyo ng sibuyas pumalo na sa P500-P750/kilo

(updated as of December 28, 2022 at 4:11 P.M.)

Mas tumindi ngayon ang presyo ng pulang sibuyas sa iba’t ibang pamilihan sa Metro Manila.

Kahapon lamang, Disyembre 27, ang presyo ng sibuyas ay naglalaro mula P500-P600 kada kilo ngunit ngayon ay mas tumaas pa.

Sa Kamuning Market sa Quezon City makabibili ng isang kilong sibuyas na P540, sa Divisoria sa Maynila ay P600, sa Las Piñas City ay P720, habang sa Mandaluyong ay P750.

Samantala, may nabibili namang durutdot o nabansot na sibuyas sa halagang P170 ang bawat kilo na mabenta sa Kadiwa store sa Quezon City.

Sinisilip na ang dahilan ng pagtaas pa ng presyo ng pulang sibuyas ay sa pag-asang makabawi ang mga magsasaka mula sa isyung sinapit nila tulad ng bagyo na sumira sa kanilang pananim. Ang pagkalugi nila ay naipapasa rin sa mga mamimili.

Tuwing holiday season, sumasabay ang taas-presyo ng mga bilihin kabilang ang sibuyas. Mataas ang bentahan sa farmgate pa lamang kaya iba rin ang itataas pa nito kapag nasa retail na. Sa farmgate maaaring mabili ang sibuyas ng P300 kadala kilo.

Ayon naman sa Department of Agriculture, walang plano na umangkat ng mga sibuyas sa ibang mga bansa. Dagdag pa nila na walang stocks na available para sa puting sibuyas at iba pang uri nito na imported.

Dahil sa nangyayari ay inaasahang sa kalagitnaan pa ng Enero 2023 maaaring bumaba ang presyo ng mga pulang sibuyas mula P150 hanggang P200 kadala kilo.

Sa ngayon ay nasa plano ng pamahalaan na i-subsidize ang ilang gastusin ng mga magsasaka gaya ng transportasyon ng produkto.