PPO dadayo sa Guimaras at Iloilo

Aktibong sinisimulan ng Cultural Center of the Philippines ang 2023 sa pamamagitan ng pagtatanghal ng Philippine Philharmonic Orchestra (PPO) sa ilalim ng baton ni Maestro Herminigildo Ranera sa mga outreach concert na Live sa Guimaras Island at Iloilo City ngayong Enero.

Magdaraos ang PPO ng isang engrandeng konsyerto sa Guimaras Museum sa Enero 11, Miyerkules sa ganap na ika-7 ng gabi, gayundin ang pagtatanghal ng Opening Salvo Concert nito sa Enero 13, Biyernes, ika-6:30 ng gabi sa Iloilo Convention Center bilang isa sa mga pagbubukas ng kaganapan ng Dinagyang Festival.

Ang repertoire para sa mga konsyerto ng PPO ay nagtatampok sa Poet and Peasant Overture, Carmen Suite No. 1, “Andante Cantabile” mula sa String Quartet No. 1, Saber Dance, On the Beautiful Blue Danube Waltz at Selections mula sa Phantom of the Opera. Habang sa Iloilo Dinagyang Salvo Concert, tampok din ang Nabucco Overture, Carmen Suite No. 2, Saber Dance, Selections from Annie, Mutya ng Pasig, Pakiusap at Tritsch Tratsch Polka. Ili Ili Tuloy Anay (isang tradisyonal na Hiligaynon Lullaby mula sa Iloilo at ang pamoso sa Visayan region) kasama ang Star Wars Medley, Aegis in Symphony at marami pang iba na ipalalasap sa ikalawang bahagu ng kanilang mga palabas.

Gayundin, ang mga konsyerto ay sabay-sabay na nasa live-stream sa pamamagitan ng Cultural Center of the Philippines Facebook page.

Libre ang mga ticket at bukas ito sa publiko.

Para sa iba pang impormasyon, magsadya sa CCP website (www.culturalcenter.gov.ph) at sundan ang official CCP social media accounts sa Facebook, Twitter, at Instagram para sa latest updates.