Pneumonia at libreng bakuna sa senior citizens

Habang tumatanda tayo ay nagiging mahina ang ating resistensya kaya ang pagdapo ng anumang sakit tulad ng pneumonia ay malaking banta sa ating kalusugan partikular sa ating senior citizens na may edad 60 pataas.

Sa pagtanda, nagiging pangkaraniwan ang sakit na pneumonia pero ang bagay na ito ay maaaring malunasan sa pagkakaroon ng bakuna, tulong ng sarili, pamilya, komunidad at ng pamahalaan.

Kamakailan ay tinalakay ang tungkol sa sakit na ito na isinagawa ng Pandesal Forum sa pangunguna ni Wilson Lee Flores noong Enero 31. Dito naging tagapagsalita sina Dr. Allandale Nacino, Medical Officer IV, Disease Prevention and Control Bureau, Department of Health (DOH); Gerald John Paz, Senior Health Program Officer, Disease Prevention and Control Bureau, DOH; Dr. Arthur Dessi Roman, Medical Specialist III, Research Institute for Tropical Medicine; at Samir Manzanilla, Project Development Officer IV, National Commission of Senior Citizens.

Sa naging talakayan tungkol sa pneumonia noong Enero 31, naging pangunahing tagapagsalita rito sina (mula sa kaliwa) Dr. Arthur Dessi Roman, Medical Specialist III, Research Institute for Tropical Medicine; Gerald John Paz, Senior Health Program Officer, Disease Prevention and Control Bureau, Department of Health (DOH); DOH; Dr. Allandale Nacino, Medical Officer IV, Disease Prevention and Control Bureau, DOH; Samir Manzanilla, Project Development Officer IV, National Commission of Senior Citizens; at ang moderator na si Wilson Lee Flores. (Kuha ng Bilibb)

Ano ang pneumonia?

Ang sakit na pneumonia ay impeksyon sa baga dala ng bacteria, viruses at fungi na maaaring tumama sa mga bata at matatanda. Ang pagkakaroon nito ay hindi nakukuha sa sobrang pagkapagod, pagpapawis, o pagbasa mula sa ulan.

Mga sintomas ng pneumonia

– pananakip ng dibdiba kapag humihinga o umuubo

– lagnat, panlalamig o pangangatog

– pagpapawis

– mababa kumpara sa normal na temperatura sa senior citizen

– ang pag-ubo ay maaaring may dilaw o berdeng plema o may dugong plema

– masakit ang katawan

– pagduduwal, pagsuska, pagdurumi

– pagkalito o pagbabago ng mental na kamalayan sa matatanda o senior citizen

Sa tala ng PhilHealth, mayroong 737,659 tao ang humingi ng medical assistance at claims sa kanilang mga tanggapan dahil sa pneumonia noong 2019.

Bakit pinakadelikado ang pneumonia sa senior citizens?

Kapag tumatanda tayo ay humihina ang ating immune system. Ang dating napakaaktibong white blood cells ay kalaunan ay humihina rin ang kapasidad na pumatay ng bad bacteria. Ito ang dahilan kung bakit mas nasa panganib ang matatanda na magkaroon ng pneumonia.

Karagdagan pa, dahil sa tumatanda ay dumarami ang comorbidities (karagdagang sakit na maaaring magpalala).  Halimbawa kapag tungtong ng edad 50 marami na ang nagkakaroon ng diabetes, high blood, o heart disease. Kapag pinagsama ang diabetes at pneumonia ay 2-3 beses na ang peligro na maospital. Kapag pinagsama ang hypertension at pneumonia ay may 3 beses na peligrong mamatay.

Estado ng pneumonia sa bansa

Ayon sa DOH, ang pneumonia ay isa sa mga nananatiling sanhi ng kalagayan ng pagdurusa mula sa kondisyong medikal at pagkamatay sa bansa. Ito rin ang isa mga naging dahilan sa pagkakaroon ng 32,600 mga kaso o 5.7% na lahat ng pagkamatay noong 2020. Nang sumunod na taon, pumalo sa 68.9% kada 100,000 na populasyon ang nagkaroon ng nasabing sakit.

Base sa DOH, may paraan sa pagkontrol ng tumataas na kaso ng pneumonia gaya ng environmental control, pagpapatibay ng nutrisyon, at pagpapahusay ng access sa healthcare. Isa rin sa pokus ng departamento ang tumaas ang kaso ng mga nagpapabakuna kontra pneumonia.

Papel ng DOH sa pneumonia sa bansa

Ayon sa Department of Health (DOH), magbuhat pa noong dekada 80 mayroon nang bakuna sa bansa na napatunayang mabisa.

Ang isang bakunang ito ay ang pneumococcal polysaccharide vaccine (PPSV23) na puprotekta sa 85% healthy adults laban sa pneumococcal diseases (na anumang uri ng sakit na dulot ng Streptococcus pneumoniae bacteria). Kasama na rito ang immune compromise patients, may comorbidities at senior citizen.

Mayroon ding bakunang pneumococcal conjugate vaccines (PCV13, PCV15, at PCV20) na kabilang din sa national immunization program ng pamahalaan simula pa noong 2014.  Maaaring ibigay ito sa mga sanggol na edad anim na linggo hanggang isang taon at puwede rin sa senior citizens.

Noong isang taon ay naglabas ang DOH ng gabay sa rekomendadong mga bakuna na dapat ibigay sa mga pasyente ayon sa kanilang kondisyon – ng mga bata, matanda, buntis, o senior citizens.

Katuwang din ng DOH ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) upang magsagawa ng serye ng pag-aaral pa sa pneumonia sa bansa.

“In the pursuant of our Universal Healthcare Act and the standards of care defined by the omnibus health guidelines, the DOH aims to expand pneumococcal vaccination particularly for all senior citizens and for all health workers as well,” ani Dr. Nacino.

“Isa po sa natutunan namin sa COVID-19 ay halaga ng pagpapabakuna. Gamitin natin ang bakuna para maiwasan ‘yong diseases na maaari naman sana nating ma-prevent ‘yong complications. Isa sa sa diseases na ‘yon ay pneumonia,” ani Dr. Roman.

Dahil sa naging karanasan natin sa COVID-19, marami ang nagnanais na mabakunahan din kontra pneumonia.

Lahat ba ng senior citizens ay makatatanggap ng libreng bakuna?

Noong 2022, nasa mahigit 12. 34 milyon ang bilang ng senior citizens sa bansa ayon sa Philippine Statistics Authority.

Sa RA 9994 (Expanded Senior Citizens Act), minandato ng pamahalaan ang DOH na magbigay ng pneumococcal at influenza vaccines na maging libre ito sa senior citizens na masasaklaw lamang din ng batas.

Ang tanging mabibigyan lamang ng libreng bakuna ay ang mga indigent o mahihirap na senior citizen. Sila ang mga may sakit, hindi tumatanggap ng pensyon, walang permanenteng pinagkukunan ng kita, o pinansyal na tulong mula sa kaanak.

May dapat bang ikabahala sa bakuna?

May takot ang tao sa pagpapabakuna dahil sa iba’t ibang dahilan at binigyang paliwanag ito ni Dr. Roman.

“From experience ay ‘yong side effects. Ang una nilang kinakatakot ay ‘magkakalagnat ba’? Ang iba nga iniisip nila magkaka-pulmonya ka after you received the vaccination which is not true. Definitely kahit anong gamot, kahit anong bakuna you can have minor reactions. Ang pinakamadalas diyan ay masakit, may iba nanghihina, sumasakit ang joints but these are temporary,” ani Dr. Roman.

Partikular din ang takot ng mga tao na maaaring ikamatay ang pagbabakuna. Anong dapat na ikonsidera rito?

“’Yong major reactions coming from the vaccines, this is always a concerned of everyone eh, ‘di ba? Unfortunately, sa COVID-19 (na kaso) may pasyenteng na nakatanggap ng COVID-19 (vaccine) ay namatay. Hindi natin sinasabi na hindi nangyayari ‘yon kasi nangyayari naman po talaga ‘yon eh,” paliwanag pa ni Dr. Roman.

“Kapag nangyari ‘yon ireport natin. That’s part of surveillance. Responsibilidad natin to add to the knowledge at para malaman ng kinauukulan, ireport natin iyan. But at the same time kailangan sa isip natin ay tinitimbang natin ‘yong risk versus sa benefit of the bakuna. Naiintindihan natin na one death from a vaccine is only one too many pero ilan ang mapoprotektahan natin? Ilan ‘yong deaths ang mape-prevent natin kapag marami ang nakatanggap ng bakuna? Tandaan natin kapag nakatanggap tayo ng bakuna against pneumonia, hindi lang ‘yong pagkakaroon ng pneumonia ang nape-prevent natin – pagka-admit sa ICU (intensive care unit), ‘di ba? Pagkamatay – hindi natin mabubuhay uli ang namantay na. But sometimes, kahit nakaka-survive ang isang pasyente – na-admit ka sa ICU at nag-survive ka – pero minsan hirap kang bumalik sa baseline ng functional capacity mo eh. Paglabas mo ng ospital (ay) bedridden na, especially the elderly – ayaw natin no’n,” diretsahang paliwanag pa ni Dr. Roman

Anong bakuna ang dapat makuha kontra pneumonia?

Dahil may iba’t ibang klase ng bakuna kontra pneumonia, mahalagang malaman kung anong klase na ng bakuna ang natanggap ng pasyente. Depende sa uri ng pneumonia vaccine kung ilan ang dapat na matanggap. Halimbawa, dahil may bakunang pneumococcal conjugate vaccine na PCV 13, sa matatanda ay karaniwang dalawang bakuna ang kukunin nila – PCV at ang sunod ay ang ikalawang uri ng bakuna. Minsan din ay dalawang beses matatanggap ang PPSV23.

Idokumento ang bakunang matatanggap para alam ng mga doktor na pagkokonsultahan kung ano ang susunod na dose o kung may karagdagang doses pa ang kailangan base sa edad at sa nakaraang bakuna.

Saan dudulog ang senior citizens para sa libreng bakuna?

Para sa libreng bakuna, maaaring dumulog ang senior citizens sa Barangay Health Stations at iba pa gaya ng sumusunod:

– mga pampublikong ospital

– health centers

– local government units