Plastic-free future, talakayang handog sa Earth Day

Larawan ito ng kapabayaan ng tao sa mga basurang nagmula sa iba’t ibang uri ng plastik. Sa pag-aaral, ilang milyong tonelada ng basurang plastik o halos isang trak ng basura na may kargang plastik kada minuto ay itinatapon sa mga karagatan bawat taon.

Noong dekada 50 at 60 ay maganda ang pagsisimula at pagpapakilala ng saysay ng mga plastik dahil may kapakinabangan itong naidudulot sa mga tao. Kahit pa noong dekado 70 at 80 ay sanay naman tayong mga Pilipino sa reusable na plastik para makabili ng partikular na produkto sa sari-sari store. Ang mga halimbawa nito ay ang pagbili ng patingi-tinging mantika, toyo, suka at iba pa.

Sa pag-usad pa ng panahon ang saysay ng mga iba’t ibang plastik ay naging negatibo – dala na rin ng kapabayaan ng mga tao. Nagdulot ito ng basura hanggang sa polusyon na unti-unting sumisira sa kalikasan, kalusugan at pamumuhay ng mga tao.

Kaugnay nito, ang isyu ay naging bukas sa publiko na tinawag na “Plastic-Free Future Youth Forum” noong Abril 21 kasabay ng pagdiriwang ng Earth Day sa Quezon City (QC) Hall Activity Area.

Si Secretary Robert Borje na Vice Chairperson and Executive Director ng Climate Change Commission habang tinatalakay sa publiko ang halaga ng tamang pamamahala sa basura partikular sa mga plastik na nakasisira sa kalikasan at buhay ng mga tao. Ang adbokasiya ng kanilang ahensya ay inilahad sa isinagawang “Plastic-Free Future Youth Forum” noong Abril 21, kasabay ng pagdiriwang ng Earth Day sa Quezon City Hall Activity Area. (Kuha ng Bilibb)

Naging bahagi ng okasyon sina QC Vice Mayor Gian Carlo Sotto, Secretary Robert Borje at Commissioner Rachel Anne Herrera ng Climate Change Commission, at iba pa habang via Zoom si Senate President Pro Tempore Loren Legarda.

Sa pagharap sa usaping ‘Plastic Waste Management Program’ ay nagbigay ng mga datos dito ang pinuno ng QC Climate Change and Environmental Sustainability Department na si Andrea Villaroman.

Ang publiko na karamihan ay kinabibilangan ng mga kabataan na lumahok sa isinagawang “Plastic-Free Future Youth Forum” noong Abril 21, kasabay ng pagdiriwang ng Earth Day sa Quezon City Hall Activity Area. (Kuha ng Bilibb)

Ang naturang departamento na nagsimula noong 2020 ay nakatuon din sa climate change action sa nasabing lungsod.

“Ito pong ginagawa natin ngayon ay isang parte ng pag-e-educate sa public,” ani Villaroman. “As we progress, as we increase our population tuloy-tuloy po ang pag-generate ng basura and therefore our carbon emissions are also increasing. Of the total emissions in Quezon City, 19% po ang nanggagaling sa waste. Hopefully kami po ay makapag-inspire rin sa ibang cities na mag-progress sa carbon emission reduction.”

Waste avoidance at waste reduction ang inilalaban ng naturang lungsod para sa maayos na kapaligiran at pamumuhay dito. Ganito kaseryoso ang lokal na pamahalaan ng QC sa pagbibigay ng solusyon sa lumalalang basura dala ng walang disiplinang paggamit sa mga plastik, partikular ang pang-isahang gamit ng mga ito. Halimbawa nito ay ang produktong packaging o mga bag ay ginagamit lamang ng isang beses bago itapon. Maiksi lamang ang sasay nito ngunit patuloy itong maglalabas ng mga greenhouse gas sa daan-daan o libu-libong taon matapos itapon sa isang landfill o iwanan sa isang karagatan.

Isang halimbawa ng pagharap sa problemang ganito ay nang umpisahan ng QC noong 2012 ang pagbabawal ng paggamit ng plastic bags sa kanilang nasasakupan at sa halip ay gumamit ng eco bag. Gayundin, sa okasyon ay mayroon silang pamigay na reusable bags, cutleries, at straws.

ANG PLASTIK AT ANG ISYU NITO

Saan gawa ang plastik?

Ang paglikha sa plastik ay hindi sa isang natatanging materyal lamang nagmula. Ito ay nasa grupo ng mga materyales na may iba’t ibang komposisyon at katangian. Sa katunayan, mayroong libong uri ng plastik na nililikha sa mundo.

Sa pag-aaral, humigit-kumulang 99 porsiyento ng mga plastik na ginagamit ngayon ay nagmula sa mga fossil fuel tulad ng langis, gas o carbon. Ang pagtuklas sa plastik ay isang kapakinabangan dahil matibay, magaan, at mura kung kaya maraming kumpanya ang namumuhunan sa produksyon nito. Nakagugulat din na sa pagitan ng 1950 at 2017, nakalikha na ang mundo ng 9.2 bilyong toneladang plastik. Sa pag-estima ng mga siyentipiko, mas kaunti sa 10% lamang ng mga plastik na basura sa buong mundo ang nire-recycle.

Ano ang nagagawa ng mga plastik na basura sa kalikasan?

Ilang milyong tonelada ng basurang plastik o halos isang trak ng basura na may kargang plastik kada minuto ay itinatapon sa mga karagatan bawat taon. Ang mga isda at ibon na napagkakamalang pagkain ang basurang ito ay pinapatay kasama ng iba pang nilalang.

Kapag sinunog o ibinaon sa mga landfill, ang plastik ay naglalabas din ng mga mapanganib na compound na tumatagos sa mga sistema ng tubig at pumipinsala sa mga kumonsumo nito.

Gaano karaming carbon emissions ang nagmumula sa plastik?

Upang lubos na maunawaan, ang plastik ay may koneksyon sa greenhouse gases (GHG). Ang mga gas na kumukuha ng init sa atmosphere ng daigdig ay tinatawag na GHG. Anumang gas sa atmosphere na sumisipsip at naglalabas ng init ay tinutukoy bilang isang greenhouse gas. Sa araw, ang araw ay sumisikat sa atmosphere na nagpapainit sa ibabaw ng lupa. Sa gabi ang ibabaw ng lupa ay lumalamig, na naglalabas ng init pabalik sa hangin.

Ang mga pangunahing GHG sa atmosphere ng mundo ay singaw ng tubig (water vapor), carbon dioxide (CO2), methane (CH4), nitrous oxide (N2O) at ozone. Ang mga GHG ay natural na nangyayari sa kapaligiran ng mundo ngunit ang mga aktibidad ng tao tulad ng pagsunog ng fossil fuels ay nagdaragdag ng mga antas ng GHG sa atmosphere na nagdudulot ng global warming at climate change.

Kapag ang plastic ay tumagas sa kapaligiran, hindi lamang nito pinalala ang sakuna ng klima ngunit mayroon ding malaking negatibong epekto sa mga ecosystem.