PinakBEST! cookbook ni Senator Marcos inilunsad

Pinuno ng media at mga kilalang personalidad ang paglulunsad ng kauna-unahang libro ni Senator Imee R. Marcos na may kinalaman sa pagluluto, ang PinakBEST! Recipes from the Marcos Kitchen and More.

Ang okasyon ay ginanap alas-2 ng hapon ng Disyembre 17, 2022 sa 83-year-old na Kamuning Bakery sa Quezon City.

Ang PinakBest ay nagtatampok sa karamihan at karaniwang mga putaheng Ilocano na bagaman mga payak pero mayaman sa sustansya at hinahanap-hanap ng mga tao sa hapag. Ang libro ay nalahukan ng mga tala mula sa kilalang chef at kapwa Ilokanang kaibigan ng senadora na si Reggie Aspiras.

“PinakBest is our compilation of our recipes. Basically, not really mine (but) I have notes, I have some tips and I added some of my mine but with mostly the life of the Marcos family through food. It’s the senator’s way of expressing herself through eating and through cooking. The book is over ten years in the making. Noong unang ibinigay sa akin ‘yong recipes niya (Marcos) ay nakasulat-kamay. Maybe it was not meant at that time but now, PinakBest is out. The senator is in fact a very, very good cook,” ayon kay Chef Aspiras na kailan lamang ay nagwagi ng Gourmand World Cookbook Awards.

Masayang inilunsad ang kauna-unahang cookbook ni Senadora Imee Marcos (ikatlo mula sa kaliwa) na PinakBEST! Recipes from the Marcos Kitchen and More sa Kamuning Bakery sa Quezon City noong Disyembre 17, 2022. Ang librong ito ay partikular na nagtatampok sa mga lutuing Ilokano ng pamilya Marcos. Ito ay pangunahing sinuportahan nina (mula sa kaliwa) Department of Trade and Industry Secretary Alfredo Pascual, Chef Reggie Aspiras na may mga tala sa libro, Quezon City Mayor Joy Belmonte, Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. Public Information Committee Chairman Wilson Lee Flores, at President and Bank of Commerce Chairman Ambassador Francis Chua. (Kuha ng Bilibb)

“I don’t know why I am embarked on a cookbook (launching) at the time when food prices are horrific. Certainly, the P500 for Noche Buena is not real but it’s more like P500 for a kilo of onions,” paumpisang biro ni Senador Marcos. “That being said we dare to dream and among them are of course all of these recipes that we grew up with together with Reggie from the great Ilocano tradition. The book is a unique regional cuisine.”

Sa librong PinakBEST! ay detalyadong sinabi ng senadora ang mga paraan kung paano lutuin ang paborito ng kanilang pamilya na Pinakbet, Okoy, Dinengdeng, Ginataang Kinilaw at iba pa. Ito ay masasayang kuwento ng kanilang pamilya lalo na sa mga pagkain sa hapag.

Ang kauna-unahang cook book ni Senator Imee R. Marcos na PinakBEST! Recipes from the Marcos Kitchen and More. Tampok dito ang mga pagkaing parte na ng tradisyon ng pamilya Marcos na karamihan ay mga payak at lutong Ilokano. (Kuha ng Bilibb)

On the spot ding ibinenta at marami ang pumakyaw sa nasabing libro sa venue sa halagang P598 na sinundan din ng book signing ng senadora.

Ang okasyon na ito ay dinaluhan ng mga opisyal na sina Department of Trade and Industry Secretary Alfredo Pascual, Pasig City Congressman Roman Romulo, Quezon City Mayor Joy Belmonte, Cultural Center of the Philippines Chairman at Philtrust Bank Vice-Chairman Dr. Jaime Laya, President and Bank of Commerce Chairman Ambassador Francis Chua at iba pa. Dumalo rin dito ang mga opisyal ng Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. o FFCCCII na sina President Dr. Henry Lim Bon Liong, Vice President Michael Tan, at Public Information Committee Chairman Wilson Lee Flores na siya ring moderator ng pagpupulong.