Piña, abaca weaving competitions tampok sa 14th Likhang Habi Market Fair

Muling magkakaroon ng Likhang Habi Market Fair para sa ika-14 edisyon nito na gaganapin sa October 18 hanggang 20, 2024 sa Glorietta Activity Center, Makati City.

Ang 3-day event ay iikot sa temang “Earth To Loom: Celebrating Natural Dyes in Philippine Textile,” at kabilang dito ang piña at abaca weaving competitions.

Ang okasyong ito ay taunang proyekto ng HABI: The Philippine Textile Council sa pangunguna ni Maria Isabel “Maribel” Ongpin na siyang founder at chairman emeritus.

Nakasentro ang Market Fair sa usaping kahalagahan ng natural dyes, pagkakaroon ng workshops sa paggamit nito, at iba pa.

“This year we are going to have two competitions. One is the Piña (Weaving) Competition which we started, sponsored by Lourdes Montinola, who’s the president emeritus of Far Eastern University. She wrote a book, “Piña.” In HABI, we worked also with her to try to encourage the making of piña textiles. And one of the ways that we figured out how to encourage and make the craft continue was to hold a competition,” ani HABI President Ma. Milagros “Mia” Villanueva sa isinagawang press preview noong September 18 sa Discovery Primea.

Si HABI President Emeritus Adelaida Lim habang ipinaliliwanag ang Piña at Abaca Weaving Competitions sa gaganaping 14th Likhang Habi Market Fair ng HABI sa October 18 hanggang 20, 2024 sa Glorietta Activity Center sa Makati City. (Kuha ng Bilibb.ph)

 

Isyung nireresolba ng HABI

Nakatahi na sa kasaysayan na kilala ang talento natin sa paghahabi. Katunayan partikular ang Iloilo City na hinirang na “Textile center of the Philippines,” kung saan popular ito sa jusi, sinamay, cotton, at piña weaving. Ito ay noong 1900 pa.

Ang industriya ng paghahabi sa Iloilo City noong 1907-1916. (UP Visayas – Center for West Visayan Studies)

Ang talentong ito ay kinilala sa iba’t ibang bansa ngunit sa paglipas ng panahon, parang telang nangungupas ang interes ng mga Pilipino para rito. Naging concern din na matatanda na lamang ang naghahabi. Sa kabutihang palad, nariyan ang HABI para buhayin at baguhin ang interes para sa tradisyong ito na bahagi ng ating kultura. Sa katunayan may mga bata na ring nagkakainteres sa paghahabi na ang edad ay 30 pababa – indikasyon na magpapatuloy ang kulturang ito sa tulong ng HABI. Kabilang dito ang dalagitang edad 14 na si Edriana “Edri” Yupitun, pinakabatang weaver ng HABI.

Ang dalagitang si Edriana “Edri” Yupitun, habang kausap ng host na si Ces Drilon. Si Edri ang youngest weaver ng HABI: The Philippine Textile Council. (Kuha ng Bilibb.ph)

Gayundin, lumilibot sa Pilipinas ang HABI upang kilalanin at tulungan ang mga may talento para maipamalas ang kanilang husay at magkaroon ng magandang hanapbuhay tulad na lamang nina Carlo at Raquel Eliserio na may puwesto na ngayon sa department store ng Rustan’s.

Sa nalalapit 14th Likhang Habi Market Fair, hindi lamang ito tungkol sa pagbebenta ng mga produkto ng paghahabi, kundi ang adhikaing mapreserba, mapaganda pa at magkaroon ng modernnisasyon sa natatanging husay ng mga Pinoy sa industriya ng tela.

Ang mga opisyal ng HABI: The Philippine Textile Council sa pangunguna ng founder at chairman emeritus na si Maria Isabel “Maribel” Ongpin (gitna). (Kuha ng Bilibb.ph)

HABI sa pagsisimula

Ang HABI ay itinatag noong 2009 na isang non-governmental organization. Nagsimula ang kanilang market fair na may 12 booths lamang. Ngayon ay 100 na ang makikita sa gaganaping 14th Likhang Habi Market Fair. Kasama rin sa okasyon ang iba’t ibang weavers, artisans, designers, and brands na mula Luzon, Visayas at Mindanao.

Naniniwala ang organisasyon na ang paghahabi ay paghabi rin ng kultura na isang makabuluhang aspeto ng pamana ng ating bansa na naglalaman ng kasaysayan, pagkakakilanlan, at artistic expression na hindi dapat maluma.

 

Ang iba’t ibang hinabing tela mula sa mga obra ng artisans na bahagi ng HABI: The Philippine Textile Council. (Kuha ng Bilibb.ph)
Ang Piña Silk Multi-Harness Geometric Pattern na obra ni Perlie Florencio gamit ang “Sinuksok, Tablero Rengue, and Double-Weave” weaving technique. (Kuha ng Bilibb.ph)
Ang Abaca Macramé na obra nina Arlene Yamog at Mayra Iledan ng Aklanon (Malinao) Indigenous Group. (Bilibb.ph)
Retastro traditional fashion accessories.  (Kuha ng Bilibb.ph)