PHA patuloy sa pagsulong ng halaga ng World Heart Day

Ang libreng health checkup sa pakikiisa sa pagdiriwang ng World Heart Day ng Philippine Heart Association. (Kuha ni George Buid)

Kamakailan ay ipinagdiwang ang World Heart Day (WHD) na isang global, multi-lingual campaign kung kung saan ito ay kaugalian nang platform upang magpalaganap ng kaalaman tungkol sa kalusugan ng puso at itaguyod ang pag-iwas at pagkontrol sa mga sakit sa puso at stroke.

Ang tema sa taong ito ay “Use Heart for Action” na may layuning magbigay ng pokus sa epekto ng lifestyle choices sa kalusugan ng puso, pagbibigay-diin sa kahalagahan ng pisikal na aktibidad, balanseng nutrisyon, at kalusugan ng isipan.

Kabilang sa mga organisasyong nakiisa sa pagdiriwang ay ang Philippine Heart Association (PHA) kung saan ginanap ito sa Ortigas sa Pasig City noong September 29.

Buhat pa noong 2002 ay nakikibahagi at isinusulong na ng PHA ang WHD na may pakikipagtulungan ng partner city para sa proyektong ito.

Sa proyekto ay nagkaroon ito ng iba’t ibang aktibidad sa free health screenings tulad ng blood pressure checks, lipid and blood sugar tests, ECG nutrition or BMI assessment and dietary check, nutrition consultation at urine albumin-creatinine ratio. Libre rin ang konsultasyon at prescription. Lahat ng ito ay bahagi ng tema upang maiwasan ang mga sakit sa puso na nanatiling sanhi ng kamatayan sa mundo.

Parte rin ng proyekto ng PHA ang pagbahagi ng kaalaman sa kalusugan sa libreng lectures na pinamunuan nina PHA President Dr. Rodney, Dr. Louella Santos, Dr. Richard Henry Tiongco II, Dr. Luigi Pierre Segundo, at Dr. Walid Amil. Ang impormasyon ay tungkol sa bagong PHA Advocacy, panganib ng altapresyon, at stroke, arrhythmia, at atake sa puso.

Bilang pakikiisa sa World Heart Day, nagturo ang Philippine Heart Association ng kaalaman sa pagsasagawa ng cardiopulmonary resuscitation. (Kuha ng Bilibb.ph)

Maliban sa pagkakaroon ng zumba, nagturo rin ng step-by-step guide para sa pagpe-perform ng cardiopulmonary resuscitation at paggamit ng automated external defibrillator, at may cooking demo para sa tamang paghahanda ng mga pagkaing nararapat para sa kalusugan.

Gayundin, tinatayang 300 young cardiologists mula sa PHA clusters at iba pang PHA-accredited Cardiology training institutions ang lumahok sa naganap na “Walk, Run, Bike” challenge.

Ang cooking demo sa tamang pagluluto ng mga pagkain na may koneksyon sa pagmamantina ng maayos na kalusugan ng puso. (Kuha ng Bilibb.ph)

 

Ang isa sa mga pagbibigay ng health lectures na pinangunahan ng Philippine Heart Association kaugnay ng pagdiriwang ng World Heart Day. (Kuha ng Bilibb.ph)
Ang ilan sa mga nakibahagi sa isinagawang World Heart Day sa pangunguna ng Philippine Heart Association. (Kuha ng Bilibb.ph)

Tungkulin sa pagbuo ng WHD

Ang World Heart Day ay itinatag ng World Heart Federation (WHF) noong 1999 sa pakikipagtulungan ng World Heart Organization. Unang inilarga ang kampanya nito noong September 24, 2000 upang magbigay kaalaman tungkol sa sakit sa puso at stroke.

Sa tala ng WHF, ang sakit sa puso ay kumikitil ng mahigit 20.5 milyong katao kada taon.

Ang WHF, kabilang ang mahigit sa 200 heart foundations na miyembro nito ay masigasig na isinusulong upang makontrol at labanan ang sakit sa puso at magkaroon ng maayos na kalusugan at pangangatawan.