Rep. Golez: AED Bills idaan sa Executive Order

Ang pasyenteng ginagamitan ng automated external defibrillators o AED na nagbibigay ng therapeutic electric shock sa puso bilang treatment sa nararanasang sudden cardiac arrest.

Sa isinagawang Usapang Puso sa Puso na proyekto ng Philippine Heart Association (PHA) naging sentro ng usapin ang cardiopulmonary resuscitation (CPR) at automated external defibrillator (AED).

Ang PHA ay isang organisasyon na patuloy na nagsusulong sa CPR Law at AED Bills na mas binigyang laban dahil itinaon ito sa isinagawang 54th PHA Annual Convention and Scientific Meeting kamakailan.

Pangunahing dumalo sa talakayan si Representative Anthony Rolando Golez, Jr., Senior Vice Chairman, House Committee on Health, at tumayong representative ni Senator Bong Go.

 

AED Bills: Hakbang sa pagpasa

Nauunawaan ni Rep. Golez ang halaga ng AED Bills dahil siya mismo ay isang doktor. Katunayan, sa mga nakalipas na taon ay naging bahagi at nakipag-ugnayan na siya sa Department of Health, PHA, at iba pa. Ang iba rito ay may kinalaman sa paggamit ng CPR.

Sa committee report ng Congress, nasa second reading na ang AED Bills. Sa pagpasa naman dito ay may suhestiyon si Rep. Golez.

“There is another direction that I can give a suggestion. How do we instill in our society regulations and policies to our people? Number one is through Republic Act and the other one is through Executive Order,” ani Rep. Golez.

Aniya, puwedeng ang PHA ay ang mag-lobby at magkumbinse sa pangulo para gumawa ng Executive Order habang hinihintay na matamo ang Republic Act upang ma-institutionalize ang paggamit ng AEDs sa public buildings tulad ng government agency buildings, public schools at hospitals, o Commission on Higher Educational institutions.

 

Halaga ng CPR Law at AED Bills

Walong taon na ang CPR Law o RA 10871 (House Bill 6204, Senate bill 3204) ngunit may mga pagkukulang pa sa implementasyon nito. Ang batas na ito ay lalong mas mahalaga kung ganap na magiging batas ang iba’t ibang bersyon ng AED Bills (HB No. 1393 at HB 7783), na anim na taon nang inilalaban ng PHA.

Ang mga automated external defibrillator (AED) at cardiopulmonary resuscitation (CPR) ay kailangang-kailangang tools sa paglaban sa sudden cardiac arrest at heart attack, ilan lamang sa nangungunang sanhi ng kamatayan sa bansa.

Ang AED ay portable device na naghahatid ng electric shock sa puso upang maibalik ang normal rhythm sa panahon ng sudden cardiac arrest, kondisyon kung saan ang puso ay humihinto sa pagtibok.

Kasabay ng CPR, na kinabibilangan ng chest compression at rescue breaths upang mapanatili ang daloy ng dugo at oxygenation sa vital organs, ang AED ay malaking tulong sa mga pagkakataong mabuhay ang pasyente kahit wala sa ospital.

“In cardiac health, every second counts. The CPR Law and AED Bill are more than legislative measures. They are lifeline that can save thousands of lives. Our response should not be contingent on proximity to medical facilities but should be lenient and effective by equipping our public places with AEDs and empowering our citizens to CPR tranings,” ayon naman sa mensahe ni Senator Go.