Sa desididong layunin ng Philippine Heart Association (PHA) at bagong lunsad nitong Philippine National Heart Failure Network (NHFN), inilarga nila ang kampanya nilang “Transforming Passion to Action” na may kaugnayan sa Heart Failure Awareness Week” mula February 9 hanggang February 15.
Ang kampanyang ito ay isinagawa sa isang forum sa heart failure (HF) noong February 9 sa Seda Hotel sa Quezon City kung saan pinangunahan ito ng isang propesor at kilalang cardiologist sa Singapore na si Dr. David Sim ang halaga ng maayos na kalusugan ng puso. Kasama rin niya rito sina Dr. Aurora Muriel, Dr. Erlyn Demerre at iba pa. Maging ang aktres na si Angel Aquino na isang heart failure advocate.
“Heart failure is a very important illness or condition that we need to be aware of and disseminate all throughout our country and also be able to enhance knowledge of everyone, especially our healthcare givers,” ayon kay Dr. Aurora Muriel Gamponia.

“At the forefront of the PHA NHFN is the PHA Council on Heart Failure. It involves advocates and experts from the 18 PHA chapters and 25 training institutions, who have come together as one force that connects communities for an improved HF literacy, established network and a prevention seeking behavior,” ayon naman kay Dr. Erlyn Demerre, chair ng PHA Council on HF.
Tulad ng health advocates, kailangan maging maingat din tayo sa ating mga kinakain, sa lifestyle na mayroon tayo at huwag balewalain ang mga isyu sa kalusugan sa puso. Ito ang isa lamang sa mga payo ng mga doktor ng NHFN na nais nilang mapalaganap.
Peligro ng heart failure
Ang heart failure o kabiguang pagganap ng puso ay isang seryosong kondisyong medikal na nangangailangan ng agarang atensyon na hindi dapat balewalain. Sa ganitong mga kaso, na kahit sa una pa lamang ay dapat nang magpatingin sa doktor.
Nangyayari ito kapag ang puso ay hindi makapagbomba ng dugo nang maayos o epektibo, na nagreresulta sa hindi sapat na daloy ng dugo upang matugunan ang mga pangangailangan ng katawan. Ang mga kahihinatnan ng pagpapabaya sa heart failure ay maaaring maging malubha, kabilang ang paglala ng mga sintomas, pagdalas ng pagpunta sa ospital, at malaking kabawasan sa kalidad ng buhay.
Sa datos, ang paglaganap ng heart failure sa Pilipinas ay tinatayang 1.6% hanggang 16 sa bawat 1,000 pasyente.
Nasa tala rin na sa buong mundo, ang isa sa mga pangunahing sanhi ng pag-admit sa ospital para sa mga 65 taong gulang ay heart failure, na may median na 24% ng 30-araw na muling pag-admit.
Mga sintomas ng heart failure
Ang mga karaniwang sintomas tulad ng pagkakaroon ng hirap o kakulangan sa paghinga, pagkapagod, biglaang pagbigat ng timbang, at pamamaga ng mga binti ay maaaring sa simula ay tila kayang-kaya, ngunit maaari itong mabilis na lumala at magdulot ng mas malubhang komplikasyon kung hindi ito maagapan.
Senyales din na kapag mas marami ang unan ang nasa likod kapag nagpapahinga ay nahihirapan na huminga, at pagkakaroon ng mataas na presyon ng dugo.
Bukod dito, ayon kay Dr. Sim, ang kondisyon ay maaaring magdulot ng mga sitwasyong nagbabanta sa buhay, tulad ng arrhythmias, stroke, o kahit biglaang atake sa puso.
Ang heart failure rin ay may kauganayan, halimbawa, sa pagkakaroon ng sakit sa bato o chronic kidney disease.
Koneksyon ng heart failure sa chronic kidney disease
Ang heart failure at sakit sa bato ay magkakaugnay na mga kondisyon na madalas na nakaaapekto sa isa’t isa, na nagdudulot ng isang komplikadong interaksyon na nagpapalala sa kalagayan ng mga pasyente.
Kapag hindi epektibong nakakapagbomba ng dugo ang puso, maaari itong magresulta sa nabawasang perfusion ng mga bato, na labis na sensitibo sa mga pagbabago sa daloy ng dugo at presyon. Ang ganitong kaso ay maaaring magdulot ng acute kidney injury at, sa paglipas ng panahon, ay maaaring mag-ambag sa pagbuo ng chronic kidney disease. Ang mga bato ay may mahalagang papel sa balanse ng likido at elektrolito, at ang kanilang dysfunction ay maaaring magpalala pa sa pag-manage ng heart failure. Halimbawa, ang pinsalang pag-andar ng bato ay maaaring magdulot ng pag-ipon ng likido, na maaaring magpalala ng mga sintomas ng heart failure tulad ng pamamaga at kakulangan sa paghinga.
Paglaganap ng kampanya hinggil sa heart failure
Naniniwala si Dr. Sim na kaalaman sa heart failure ay hindi para lamang sa mga pasyente, kung hindi para sa mga pamilya nito at sa ibang mga pamilya. Gayundin, naniniwala ang NHFN na dapat ding lumaganap ang patient education programs na ito sa kasulok-sulokan ng mga komunidad sa malalayong lugar. Dito ay makikipag-ugnayan ang network sa iba’t ibang mga ospital, clinic, doctor at iba pa.
Sa ganitong seryosong problema sa kalusugan ay may payo at bilin ang mga propesyonal sa likod ng PHA.
“The fight against HF is not the responsibility of doctors alone. It requires collaboration between government agencies, private institutions, non-government organizations and the general public,” ayon kay Dr. Orlando Bugarin, co-director ng PHA NHFN.
“The PHA NHFN stands as a beacon of hope proving that when we work together, we can build a healthcare system that prioritizes prevention, patient empowerment, and accessibility,” dagdag pa niya.

