Pekeng beauty products masama ang epekto sa balat

Sa malalim na usapin na walang halong panghuhusga, hindi tama na bumili o mag-patronize ng mga pekeng pampagandang produkto.

Alam natin na maraming beauty products ang naglipana sa kung saan-saan gaya ng tiangge, palengke o iba pang bilihan ng mumurahing items.

Noong 2018, umabot sa P600 milyong halaga ng beauty products ang nakumpiska ng Bureau of Customs. Kabilang mga nakuhang pekeng produkto ay mga lotion na pampaputi, sabon, at pabango.

Maliban sa kinakalaban ng pekeng beauty products ang pangalan at hanapbuhay ng lehitimong brand na may-ari nito, ang ganitong klase ay nakasisira ng balat na maaaring maglagay sa inyo sa peligro.

Ano’ng mayroon sa pekeng beauty products?

Posibleng naglalaman ito ng mga kemikal na makasasama sa balat. Maaaring mayroon itong lead, mercury at iba pang toxic ingredients.

Maliban sa nabanggit ang mga produktong ito ay hindi magbibigay sa inyo ng sapat na kasiyahan o satisfaction. Malabong makuha rito ang effectiveness sa mga pekeng produkto. Sayang lamang ang pera sa mga ito.

Ano’ng mga epekto sa paggamit ng pekeng beauty products?

– Maaaring mamula at mangati ang balat

– Maaaring magsugat, mamaga ang balat

– Maaaring may internal effect ito sa katawan

Paano malalaman ang pekeng beauty products?

– Magduda na kayo kapag nasa bangketa ang mga ito at ibinebenta nang mura at patago

– Iba ang amoy na maaaring hindi maganda o sobrang bango

– Iba ang packaging – iba ang fonts, mukhang ipinakikita kumpara sa counterpart nito, mapusyaw o matingkad ang kulay, hindi maganda ang pagkakaimprenta, iba ang size at iba pa

– Iba ang texture – maaaring masyadong pino o sobrang durog o madaling madurog ang makeup, oily sa halip na creamy, malabnaw at iba pa na malayo sa orihinal na counterpart nito

– Iba ang kulay

– Kapag duda sa beauty products, mainam na huwag na itong bilihin pa

May alternatibo ba na murang beauty products?

Maraming Filipino brands na beauty products na bukod sa mura ay mapagkakatiwalaan ang kalidad at kaligtasan nito. Ang mga sangkap din nito ay sigurado ring para sa mga kutis nating mga Pilipino na akma rin batay sa panahon natin. Mas siguradong bumili sa kilalang drug stores, department stores o sa malls.

Tandaan na hindi masamang magtipid pero ilagay natin sa katuwiran habang ginagawa natin ito na hindi malalagay sa alanganin ang ating kalusugan.