PCSO naghandog ng P500K kay track legend Lydia de Vega-Mercado

Iniabot ng PCSO ang P500,000 bilang medical assistance para sa track legend na si Lydia de Vega-Mercado dahil sa sakit nitong Stage 4 breast cancer. Pormal na ibinigay ang tulong nina PCSO Chairperson Junie Cua at General Manager Melquiades Robles ang tseke sa anak ng naturang legend na si Stephanie Mercado-de Koenigswarter noong Agosto 2, 2022.

Nagbigay ng donasyong P500,000 ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa track legend na si Lydia de Vega-Mercado dahil sa patuloy na paglaban nito sa kanyang Stage 4 breast cancer at kasalukuyang nasa Makati Medical Center.

Pormal na inihandog ng PCSO ang tseke na nagkakahalagang P500,000 sa anak ni De Vega na si Stephanie Mercado-de Koenigswarter noong Agosto 2.

Ang pinansyal na tulong ay mula sa tanggapan ng bagong PCSO Chairperson na si Junie Cua, gayundin sa general manager ng ahensya na si Melquiades Robles.

Ang tulong ay bahagi ng pagkilala ng PCSO sa pagbibigay karangalan sa bansa ni De Vega-Mercado na ngayon ay apat na taon nang lumalaban sa cancer.

“The PCSO is coming to the aid of many. It just so happened that I think the honor that Lydia De Vega has brought to this country deserves a special attention but as we are speaking, the PCSO family daily, hourly have been extending help not only in this central office but in the field offices all over the country, paliwanag ng dating abogado na si Cua.

“On behalf of my entire family, I would like to express my deepest and sincerest gratitude to the assistance provided today by the PCSO,” ayon kay Mercado-de Koenigswarter.

Si De Vega ay tumakbo noong 1984 Los Angeles Olympic at 1986 Asian Games sa Seoul, Korea na nagbigay titulo sa kanya bilang kaun-unahang nagwagi sa back-to-back gold medals sa 100-meter dash. Dahil dito ay kinilala siya bilang Asia’s fastest woman at “Sprint Queen” noong dekada 80. Gayundin, kinilala siya bilang unang Pilipino na tumakbo at lumaban sa Olympics.

Kaugnay pa ng kondisyon ni De Vega- Mercado, nanawagan si Robles sa publiko. “We are giving but definitely it’s a far cry from what they need. We’re also appealing to others to join us in helping the family. It is a fact, siya yung kayamanan ng ating bayan. It may not be enough, (ang) bigay namin ay maliit rin lang kumbaga sa kailangan nila pero baka sakali ‘pag nagsama-sama, tulong-tulong (ay) mas matulungan natin sila,” ani Robles.

Samantala, kamakailan ay nangako naman ang pole vaulter na si Ernest John “EJ” Obiena na maglalaan din ito ng pinansyal na tulong na P250,000 para kay De Vega-Mercado. Ang naturang halaga ay insentibo ni Obiena mula sa Philippine Sports Commission sa pagkamit niya ng medalye at nahigitan pa ang sariling rekord sa 5.94-meter leap sa World Athletics Championships na ginanap sa Oregon, USA noong Hulyo 24.

May naiulat ding isang nagmamay-ari ng kabayo ang nagmagandang-loob na ayaw magpabanggit ng pangalan ang nagbigay din ng financial aid na P500,000 para sa track legend.